KASUNOD ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., muling nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi ito magpapatinag sa pagdepensa sa teritoryong sakop ng Pilipinas.
Sa isang pahayag ng AFP Western Command, tiniyak nito ang kanilang pagbabantay sa karapatan ng Pilipinas lalo na sa soberanya nito mula sa mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kabila anila ng mga kinakaharap na hamon ng bansa gaya sa isyu ng harassment sa karagatan sa bansa, hindi aniya sila titigil na ipagtanggol ang karapatan ng mga Pilpino katuwang ang mga puwersa mula sa Philippine Coast Guard.
Sa kabila nito, bukas ang AFP sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa mga kaibigan nitong bansa na may parehong interes sa pagpapatrolya at pagprotekta sa mga karagatan ng Pilipinas.
Kasama na rin ang pagpapalakas ng military interoperability sa pagitan ng mga kaalyadong bansa at pagtugon sa mga inaasahang banta na maaaring maganap sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.