AGAP Party-list sa mga importer: Huwag abusuhin ang presyo ng mga produkto sa gitna ng Israel-Iran conflict

AGAP Party-list sa mga importer: Huwag abusuhin ang presyo ng mga produkto sa gitna ng Israel-Iran conflict

ILAN sa mga eksperto ang nagsabing posibleng magkaroon ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin sa Pilipinas, kasunod ng umiigting na tensiyon sa Gitnang Silangan.

Bagamat malayo ang Pilipinas sa lugar ng kaguluhan, may direktang epekto ito sa presyo ng langis, pagkain, at transportasyon.

Ang Gitnang Silangan ay isa sa pinakamalalaking supplier ng langis sa buong mundo.

Kapag may digmaan sa rehiyon, agad tumataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Ang epekto nito ay ramdam sa mas mataas na gastusin sa transportasyon at produksiyon, kabilang ang shipping cost ng imported goods, pamasahe ng mga truck sa lokal na delivery ng pagkain, at maging ang kuryente sa food processing at storage.

Bukod sa langis, posibleng maantala rin ang daloy ng produkto sa global supply chain.

Dahil sa tensiyon, maaaring mabago ang shipping routes o mas tumagal ang biyahe lalo na ang mga produkto mula Europe, Middle East, at Africa na dumaraan sa mga sea lanes tulad ng Red Sea at Suez Canal.

Ang mga delay na ito ay maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay at tuluyang pagtaas ng presyo.

Kaya naman naniniwala ang AGAP Party-list na maaaring tumaas ang presyo ng mga bilihin sa Pilipinas kung magtatagal pa ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran.

“May posibilidad din ‘yan kasi puwedeng maapektuhan ang supply ng langis, puwedeng tumaas. Apektado lahat, pati ang agri-sector kasi marami rin ang gumagamit ng gasoline, krudo, at sa sektor ng agrikultura,” wika ni Cong. Nicanor Briones, Representative, AGAP Party-list.

Dagdag pa ni Briones, dahil hindi pa naman gaano katagal ang tensiyon at marami pang stock na produkto sa bansa, posibleng samantalahin ng ilang importer ang pagtaas ng presyo ng bilihin habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa Israel.

Kaya’t nagpaalala ang mambabatas sa mga importer na huwag abusuhin ang sitwasyon, dahil may umiiral na batas laban sa ganitong klase ng pananamantala.

“May posibilidad din ‘yan kasi puwedeng maapektuhan ang supply ng langis, puwedeng tumaas. Apektado lahat, pati ang agri-sector kasi marami rin ang gumagamit ng gasoline, krudo, at sa sektor ng agrikultura,” dagdag ni Briones.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12022 (Anti-Agricultural Economic Sabotage Act), layunin ng batas na protektahan ang mga magsasaka, mangingisda, at konsyumer laban sa smuggling, hoarding, profiteering, at cartel.

Ang batas, na isinulong ng AGAP Party-list, ay may mabigat na parusa: kabilang dito ang habambuhay na pagkakakulong, non-bailable ang ilang kaso, at multang limang beses ng halaga ng produktong sangkot.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble