PATULOY na nagbubunga ang itinuturing na “aggressive but strategic” na pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa iba’t ibang bansa.
Ito ay matapos ihayag ng Department of Trade and Industry-Bureau of Investments (DTI-BOI) na positibo silang maaabot ang target na P1 trilyong investment approvals para sa 2023.
Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na nakuha na ng Philippine government ang halos kalahati ng full-year target para sa investment approvals sa loob lamang ng 6 na linggo.
Base sa pinakahuling BOI figures, umabot sa P414.3 bilyon ang total investment projects na inaprubahan ng ahensiya hanggang nitong Pebrero 9, 2023, tumaas ng 142.9% kumpara sa P170.5 bilyon noong 2022.
Sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na may potential investment leads pa ang ahensya na humigit-kumulang P344 billion na ipoproseso pa rin.