KAMAKAILAN naglunsad ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Quirino programa na tinaguriang Agrarian Reform on Wheels (ARJOW).
Ang nasabing aktibidad ay nagbibigay ng libreng konsultasyon, pagpapayo at serbisyong legal para sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa mga residente ng Barangay La Paz, Saguday, Quirino.
Sa nasabing programa ng ARJOW, ang mga abogado at mga legal expert ng ahensiya ay personal na pumupunta sa mga komunidad.
Ito ay upang ilapit sa kanila ang mga serbisyong agraryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng mobile legal clinics.
Nasa proseso na ngayon ang kagawaran para mapanatili ang programang ‘zero backlog’ upang maiwasan ang pagkakatambak ng mga nakabinbing kaso.
Ang DAR Quirino ay nagsagawa ng libreng legal na konsultasyon at pagpapayo upang matulungan ang mga ARBs sa mga komunidad na malutas ang kanilang mga problema, isyu, at alalahanin sa lupa at iba pang kasong may kinalaman sa repormang agraryo.
Tinututukan din ang mga usapin tungkol sa arbitrasyon at mediation upang mabawasan ang mga sigalot at hindi na umabot pa sa korte.
Pinangunahan ni Provincial Agrarian Reform Adjudicator (PARAD) Fatima T. Yadao at legal chief Caridad Grace Turqueza ang libreng legal na konsultasyon at pagpapayo sa mga magsasakang-benepisyaryo.
Ang Agrarian Reform on Wheels ay bahagi ng ‘zero backlog’ case policy, na pinangungunahan ng DAR legal affairs office upang magbigay ng katarungang panlipunan sa mga magsasaka sa bansa.
Ang Agrarian Justice Delivery (AJD) ay isa sa tatlong bahagi ng programa at layunin ng Comprehensive Agrarian Reform Program ay magbigay ng suportang legal sa mga ARBs na may kinalaman sa mga alitang pang-agraryo.
Ito ay sa pamamagitan ng alternatibong paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan, kabilang na dito ang mediation o pamamagitan at mga katanungan sa pagkilala at pagpili ng mga magsasakang-benepisyaryo.