PASADO alas otso na ng umaga nang magsimula ang programa para sa paggunita sa anibersaryo ng kapanganakan ng isa sa pinakadakilang bayani ng bansa na si Gat Andres Bonifacio.
Ang ika-158 na anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio ay ginawa sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila na may temang Pagbubuklod para sa Kaligtasan at Kalusugan ng Bayan na dinaluhan din ng iba’t ibang mga opisyal ng pamahalaan ng lungsod.
Nagsimula ang programa sa pag-aalay ng mga bulaklak na pinangunahan ni Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso kasama ng military host na si Capt. Rey Leo Pambid.
Ayon kay Mayor Isko ang paggunita sa kapanganakan ni Andres Bonifacio ay maituturing din sa bagong bayani ngayon na walang iba ay mga doktor at nurses.
Marami rin kasi sa kanila ang nagbuwis ng kanilang buhay dahil sa hinaharap na pakikipaglaban laban sa pandemya para lamang mailigtas ang buhay ng mamamayang Pilipino laban sa tunay na hinaharap na kaaway walang iba ang COVID -19.
Matatandaan si Andres Bonifacio ay ipinanganak noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Maynila.
Siya ay isang Pilipinong rebolusyonaryo at bayani na nagtatag ng Kataastaasan Kagalanggalang na Katipunan ng mga anak ng bayan (KKK) o Katipunan.
Siya ay kinikilalang “Ama ng Himagsikan at Rebolusyong Pilipino” at kilala sa tawag na supremo.
