KINASUHAN ang pulis na si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas.
Sa kaniyang Facebook Live, tahasan niyang kinondena ang umano’y maling paraan ng pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Maliban diyan, hinimok pa niya ang kaniyang mga kapwa pulis na lumantad laban sa aniya’y maling pamamalakad ng PNP at ng administrasyong Marcos Jr.
Bukod sa kasong inciting to sedition, mahaharap din si Fontillas sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
“This action stems from his social media posts following reports of former President Rodrigo Roa Duterte’s arrest,” pahayag ng QCPD.
Habang patuloy na umuugong ang kontrobersiya, lumalabas na hindi lang simpleng opinyon ang inilabas ni Patrolman Fontillas—isa itong direktang hamon sa mismong institusyong kanyang kinabibilangan.
Sa kaniyang viral rant video, hayagang kinuwestiyon niya ang proseso ng pag-aresto kay dating Pangulong Duterte at tinawag pang ‘walang alam sa batas’ ang kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Fontillas, hindi siya sang-ayon sa paraan ng pag-aresto kay Duterte at pagdala sa dating presidente sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
“Hindi niyo sinunod ‘yung batas ng ICC. Ang sabi sa ICC, pagkatapos maaresto, dapat dalhin sa competent judicial authority… Korte ba ang DOJ?” ani Pat. Francis Steve Tallion Fontillas, QCPD.
Dagdag pa ni Fontillas, tila walang alam sa batas ang administrasyon ngayon. Ipinagmamalaki niyang bagama’t isa lamang siyang patrolman, mas nauunawaan niya kung ano ang tama at mali.
“Bangag talagang mga ‘to! Walang alam sa batas! Kawawa naman ang Pilipinas. Ako, patrolman lang ako, hindi ako abogado, pero may alam ako sa batas. DOJ is not a court!” aniya pa.
Sa kabila ng kaniyang mga pahayag, nilinaw ni Fontillas na wala siyang kinakampihang sinuman. Para sa kaniya, may mali sa pag-aresto kay Duterte at ito lamang ang kaniyang ipinaglalaban.
“Clarification lang, hindi ako maka-Marcos, hindi ako maka-Duterte. Mali ang pagka-arest kay Duterte,” giit nito.
“Kapag unlawful yung pag-aresto sa kanya… Pwede siyang pabalikin sa Pilipinas,” aniya pa.
Sa panig ng PNP, mariin nilang kinondena ang mga pahayag ni Fontillas. Ayon sa kanila, ito ay isang paglabag sa ethical standards ng pagiging isang pulis.
Samantala, lumalabas na nag-AWOL si Fontillas simula pa noong Marso 6.
Sa harap ng mga isyung ito, nananatiling hamon para sa pambansang pulisya at sa pamahalaan ang pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng kapulisan habang iginagalang ang karapatan sa malayang pagpapahayag.
Habang patuloy ang imbestigasyon kay Patrolman Fontillas, isang mas malawak na diskurso ang lumilitaw—hanggang saan ang saklaw ng kalayaan sa pagsasalita ng isang alagad ng batas? At paano ito maaaring makaapekto sa tiwala ng publiko sa institusyong kanilang pinaglilingkuran?
Sa dulo, higit pa sa isang kaso ng pagsuway, ito ay isang usapin ng pamamahala, pananagutan, at prinsipyo sa pagpapatupad ng batas.