MALAKI ang mawawala kung hindi maibaba sa Alert Level 02 ang National Capital Region (NCR) sa Nobyembre 15.
Ayon ito kay Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion.
Nauna nang iniulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) na makakakuha ng P3.6-B ang bansa kung ilalagay na sa Alert Level 02 ang Metro Manila.
Magkakarekober rin ng labing anim na libong trabaho ayon kay Concepcion.
Sa ilalim ng Alert Level 02, maaaring mag-operate ang outdoor businesses ng hanggang 80% kung may safety seal ang mga ito.
Ayon kay Concepcion, tumataas rin naman ang vaccination rate ng Metro Manila.
Bumababa na rin ang naitatalang bagong COVID-19 cases sa lugar, bagay na posibleng maging dahilan para ibaba na sa Alert Level 02 ang Metro Manila.
Mall operations, palalawigin ngayong Christmas season
Samantala, palalawigin ng mga mall operator ang kanilang operating hours ngayong Christmas season.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairperson Benhur Abalos, ang naturang hakbang ay alinsunod umano sa dumadaming bilang ng mga sasakyan sa EDSA na magiging sanhi ng trapik.
Ang ikinabahala lang ng mga mall ay ang curfew hours at limitadong kapasidad ng public utility vehicles.
Tiniyak naman ni Abalos na nagbotohan na ang Metro Manila mayors hinggil dito at ilalabas na ang resulta sa susunod na mga araw.
Sa panig ng public utility vehicles, hanggang 70% na ang capacity ng mga ito simula Nobyembre 4.
Samantala, kaugnay sa pinalawig na mall operations, iminumungkahi na rin ni Abalos na isagawa lang ang sales sa weekends at holidays at ipagbabawal sa weekdays.