Alice Guo no show ulit sa preliminary investigation

Alice Guo no show ulit sa preliminary investigation

MULING hindi sinipot ni suspended Bamban Mayor Alice Guo ang ikalawang preliminary Investigation (PI) ng Department of Justice (DOJ) prosecutors para sa reklamong human trafficking at tanging mga abogado lang nito ang nagpakita.

Bago ang PI, napaulat na ang pagtatago ng suspendidong alkalde matapos ang pagpapalabas ng Senado ng subpoena. Wala rin ang 13 iba pang respondents pero represented ng mga abogado.

Ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), naghain ng mga karagdagang witnesses/complainant laban kay Guo.

“Meron kaming apat na bagong witnesses and complainant, mga Filipinos po ito, na magpapatunay doon sa scamming activities nitong Zhun Yuan at Bao Fu, papatunayan din nila na sila po ay hindi nakakalabas nang malaya sa lugar, kumbaga sila ay nakakulong doon,” ayon kay Doc. Winston Casio, Spokesperson, PAOCC.

Ang kampo ni Guo, humirit ng extension para sa pagsusumite ng kontra salaysay na pinagbigyan naman ng DOJ panel matapos ang paghahain ng mga complainant ng mga bagong testigo maging ng karagdagang respondent para sa reklamo.

Ang deadline ng pasahan ng kontra salaysay ay inilipat ng DOJ panel sa Agosto 6, 2024.

“Ang ating mga complainants ang PAOCC saka ‘yong CIDG, nag-file sila ng supplemental affidavit kung san may idinawit silang additional respondent, kung hindi ako nagkakamali ang respondent na na-dismiss ang kaso laban sa kaniya noong Huwebes, isa itong Pilipina na nagreklamo na nag-recruit sa iba’t ibang tao doon. Dahil doon na-move ang filing ng counter affidavit ng mga respondent kasi kailangan din silang bigyan ng pagkakataon na sagutin ang supplemental affidavit,” ayon kay Usec. Nicholas Felix Ty, DOJ.

Umaasa ang DOJ na pagdating ng Agosto 6, ay submitted na for resolution ang reklamo laban kay Guo at sa ibang respondents.

Inihayag naman ng DOJ official na sa prosekusyon ang tamang forum para harapin ni Guo ang reklamong isinampa laban sa kaniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble