Alokasyon ng tubig sa Metro Manila, inaasahang ibababa pa sa Abril dahil sa El Niño—NWRB

Alokasyon ng tubig sa Metro Manila, inaasahang ibababa pa sa Abril dahil sa El Niño—NWRB

MAS lumalala pa ang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Patunay rito ang patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa limitado na lamang ang ulan na nararanasan.

Sa datos kasi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), as of 6 am ng Lunes, bumaba pa sa 201.48 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam.

Malayo ito sa 212 meters na normal water level ng dam.

Kung kaya’t, inirekomenda na ng National Water Resources Board (NWRB) na babawasan sa 48 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig na ibinibigay ng Angat Dam sa Metro Manila sa buwan ng Abril.

Ito ay sa harap na rin ng patuloy na pagbaba ng water level sa dam bunsod ng El Niño.

Nasa 50 cms kasi ang kasalukuyang alokasyon ngayong Marso.

‘‘We are recommending a lower level both for MWSS at NIA.’’

‘‘We have earn decided caution, bumababa ang water ng dam, walang ulan, alam niyo naman ang El Niño, talagang kailangang i-conserve ‘yung tubig doon,’’ pahayag ni Atty. Ricky Arzadon, OIC, NWRB.

Sunud-sunod na water interruption sa NCR, posible ngayong Abril

Dahil dito, nababahala ang MWSS na posibleng magkaroon ng water interruption ang Maynilad sa oras na ipako na sa 48 cms ang alokasyon ng tubig sa Abril.

“One of the impacts, there will be areas in Manila na magkakaroon po ng less than 12 hours na [water] interruptions, but ‘yung mga interruptions [na ito] will be limited lamang po during night times,” ayon naman kay Engr. Patrick Dizon Division Manager, MWSS.

Maaari itong ipatupad simula 10 pm hanggang 4 am.

Sa ipinadalang mensahe naman ng Maynilad, aminado silang magiging hamon ito lalo’t malaki ang demand sa tubig ng mga konsyumer sa Abril.

‘‘We expect water demand to peak, it would be more difficult to meet consumers’ water requirement,’’ saad ni Jennifer Rufos, Head, Corporate Communications, Maynilad.

Posibleng magpatupad din ng mga system adjustments upang matiyak na maayos ang supply distribution sa mga consumer.

‘‘Pressure management would have to be done to manage supply distribution and losses. Some areas—particularly those in elevated locations—may experience service interruptions, though we would strive to keep it within off-peak hours to lessen inconvenience to affected customers,’’ dagdag pa ni Rufos.

Tiniyak naman ng MWSS na nakalatag ang kanilang mga hakbang upang matugunan ang posibleng kakapusan ng suplay ng tubig sa tulong ng mga bagong water treatment plant sa Laguna Lake.

‘‘We are implemented or constructed ‘yung ating water treatment plant sa Laguna Lake. So, ‘yung dalawang bagong 2 water treatment plant can now generate 50 million liters per day each. We’re trying po sa may Putatan, may Muntinlupa, to increase,’’ ayon pa kay Engr. Dizon.

Ang Quezon City government naman ay mas pinaiigting pa ang paggamit ng mga water harvesting facility upang makatulong na mabawasan ang konsumo ng potable water.

‘‘We are stressing that every local government institution, for example our schools and every govt buildings that under the local govt will be having water harvesting facility.’’

‘‘Para puwede natin i-recycle ang mga water resources natin para magamit pa sa iba pang pamamaraan at hindi ito masayang,’’ ayon kay Mayor Joy Belmonte, Quezon City.

Ang building na ito sa loob ng Quezon City Hall ay matagal nang gumagamit ng water harvesting facility na ginagamit sa pagdidilig ng halaman, panghugas, at iba pa.

‘‘Magla-last more than a week. Sapat naman po siya. (Malalaki rin ang natitipid natin?) Of course, kung mayroon itong tamang suplay ng tubig galing sa ulan malaki po talaga ang matitipid natin,’’ ayon kay Engr. Weng de Guzman Division Head, Planning and Design Division, QC.

Pero, bukod sa potable water para sa mga kababayan ay inirekomenda rin ng NWRB na ibaba rin sa 34 cms ang alokasyon ng tubig sa irigasyon sa kaparehong buwan kumpara sa 35 cms ngayon.

Hindi naman ito nakikitang problema ng Agriculture Department lalo’t karamihan sa mga magsasaka ay nasa harvest season na ng palay.

‘‘Kung magbabawas man, hindi ganon kalaki ang requirements ng tubig except kung magkakaroon ng early planters. But, if you look at the planting season at harvest season kahit magbawas hindi naman ganon kalaki ang requirements sa tubig,’’ saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble