PLANONG bilhin ng American e-commerce company na Amazon ang short-form video app na TikTok. Ito’y para masalba ang TikTok at patuloy na magamit sa Estados Unidos.
Kung matatandaan, matagal nang inatasan ang Chinese internet technology na Bytedance, ang may-ari ng TikTok, na ibenta ang platform sa isang hindi-Chinese company bago ang Enero 19, 2025 upang magpatuloy ang kanilang operasyon sa Estados Unidos.
Paliwanag ng US government, ipinapabenta nila ito dahil maaaring gamitin ng China ang app upang magsagawa ng mga operasyon laban sa Estados Unidos at mangolekta ng datos ng mga Amerikano.
Ngunit dahil hindi naibenta ng Bytedance ang TikTok, inisyal na itong nagsara sa US noong Enero 19. Iyon nga lang ay binigyan muna ni US President Donald Trump ng 75-araw na palugit ang Bytedance, kung kaya’t pinahintulutan muli ang TikTok na maging operational.
Ang deadline ng 75-araw na palugit ni Trump para maibenta ang TikTok sa isang non-Chinese company ay sa Abril 5 na.
Ang TikTok naman ay ginagamit ng halos kalahati ng populasyon ng buong Estados Unidos.