ILANG beses nang binigo ng Amerika ang Pilipinas.
Ito ang binigyang-diin ng political analyst at columnist na si Prof. Anna Malindog-Uy sa panayam ng SMNI News.
Kaugnay ito sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa New York Stock Exchange Economic Forum kung saan sinabi ng Pangulo na hindi binigo ng Estados Unidos ang Pilipinas sa mga panahon ng krisis.
Nilinaw ni Prof. Uy na hindi kwestiyunable ang pagiging magkaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos, pero hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na maraming beses nang binigo ng Amerika ang Pilipinas at ito aniya ay nakasulat na sa kasaysayan ng bansa.
Partikular na ipinunto rito ni Uy ang nangyaring Marawi siege at Scarborough Shoal standoff.
Dagdag pa ni Prof. Uy, ang Pilipinas ay nagsisilbing outpost ng US sa mahabang panahon at walang kwestiyon sa pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Kailangan lang aniya na mapanatili ng Pilipinas ang paninindigan nito bilang isang independent country.
Sa kabuuan, inaasahan naman ni Uy na maraming investment ang makukuha ng Pangulo mula sa Estados Unidos at mas lalo pang mapagtibay ang ugnayan ng dalawang bansa.
Nagpaalala rin si Uy, na kailangang maging maingat ang Pilipinas para maiwasang maipit sa kasalukuyang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China.