ARTA: Higit 130 LGUs kakasuhan dahil sa hindi pagsunod sa Electronic Business One-Stop Shop

ARTA: Higit 130 LGUs kakasuhan dahil sa hindi pagsunod sa Electronic Business One-Stop Shop

NAKATAKDANG sampahan ng kaso ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang mahigit 130 local government units (LGUs) dahil sa kabiguan nitong sumunod sa direktiba ng ahensya na ipatupad ang electronic Business One-Stop Shop (e-BOSS).

Ayon kay ARTA Secretary Ernesto Perez, walang dahilan para hindi maipatupad ang e-BOSS dahil simula palang 2021 ay naglabas na sila ng Joint Memorandum Circular kasama ang DICT, DILG at DTI—kung saan nilatag ang guidelines o mga alituntunin para mabilis sa kanila ang mag-comply sa requirement ng electronic Business One-Stop Shop.

Sa kasalukuyan, sabi ni Perez, 115 lamang sa 1,642 LGUs ang kinikilala ng ARTA na fully compliant sa e-BOSS.

Dagdag pa ni Perez, 431 LGU ang pinadalhan na ng ARTA ng ‘notice to explain’ upang ipaliwanag ang kanilang hindi pagsunod sa direktiba.

Dahil sa kabiguan ng ilang LGU na magpaliwanag o sumunod sa direktiba, sinabi ng opisyal na asahan na sa loob ng linggong ito o sa susunod na linggo ay masasampahan ng kaso ang mahigit 130 LGUs.

Iginiit ng opisyal na hindi sila natatakot na sampahan ng demanda ang mga ito dahil mayroon aniyang legal na batayan ang ARTA para sa pagsampa ng kaso, base sa Salonga Law at Ease of Doing Business Law.

“Alam ninyo ba na as early as the Salonga Law ‘no, doon sa Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees, kapag tayo ay hindi sumagot sa isang question, concern, complaint within 15 working days from receipt, liable na po sila. Iyon po ang ating gagamiting ano—hindi lang po dahil required sila ng Ease of Doing Business Law for all local government units to set up and operationalize an electronic business one-stop shop, sinasabi rin po doon na ang heads of agencies, the mayors are responsible for not complying with the Ease of Doing Business Law. At dahil hindi po sila sumagot, iyon po ang ating legal basis,” pahayag ni Sec. Ernesto Perez, Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Ibinahagi ni Perez na karaniwang rason ng mga LGU na hindi nakapag-comply sa pagtatatag ng Electronic Business One-Stop Shop ay mahina ang internet connection.

“Ang sagot naman natin napabilis po natin ito through Executive Order 32. Ang iba lang po talaga ay wala ‘no, ang sabi nila walang pera but mayroong data to show na kahit po iyong sixth class municipality ay nakapagtayo ng electronic Business One-Stop Shop,” ani Perez.

Ipinaubaya naman ng Anti-Red Tape Authority sa Office of the Ombudsman ang pagtukoy ng kaukulang parusa laban sa mga lokal na pamahalaan na bigong sumunod sa direktiba ng ahensiya hinggil sa electronic Business One-Stop Shop.

Sabi pa ni Secretary Perez, ang mandato ng ahensya ay magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga paglabag. Anumang resulta ng kanilang pagsisiyasat ay ire-refer nila sa Office of the Ombudsman.

“We leave it to the Office of the Ombudsman po ‘no to determine.”

“Ang Ombudsman po ang magdi-determine kung ano talaga iyong dapat. Dahil may violation, mayroon kang equivalent penalty,” aniya.

Ang e-BOSS ay isang online platform na naglalayong mapabilis at mapasimple ang proseso ng pagkuha ng business permits at licenses sa pamamagitan ng pag-centralize ng mga serbisyo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Ito ay bahagi ng pagsisikap ng ARTA na sugpuin ang red tape at mapabuti ang business environment sa Pilipinas.

Sa National Capital Region, may isa pa ring lokal na pamahalaan ang nananatiling hindi nakasusunod sa E-BOSS mula sa kabuuang 17 LGUs.

Inabisuhan naman ng ARTA ang publiko na kung mayroong reklamo, ay tumawag lamang sa 8888 o sa hotline 12782- o kaya mag-email sa [email protected].

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble