Assassination attempt kay Trump, nagpapalakas ng kaniyang kampanya─analyst

Assassination attempt kay Trump, nagpapalakas ng kaniyang kampanya─analyst

KAMAKAILAN lang may tangkang pag-assassinate kay dating US President Donald Trump sa isang campaign rally sa Butler, Pennsylvania.

Sa isang eksklusibong panayam kay Lucio Blanco Pitlo III, isang foreign policy and security analyst sa programang “MakiAlam” ng DZAR Sonshine Radio, sinabi nito na ang assassination attempt kay Trump ay nagpalakas ng kaniyang kampanya.

“Mukhang pabor na, kumbaga ang balance ng, medyo leaning na towards him. So ilang buwan na parating na ang eleksyon,” ayon kay Lucio Blanco Pitlo III, Foreign Policy and Security Analyst.

Takbo ng eleksiyon sa US, malaki ang magiging epekto sa PH at sa iba pang mga bansaanalyst

Inilahad ni Pitlo na ang mga pangyayari sa eleksiyon sa Amerika ay malaki ang magiging epekto hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo.

Ito’y lalo’t may mga alyansa ang Estados Unidos sa iba’t ibang bansa kasama na ang Pilipinas pagdating sa larangan ng seguridad at depensa.

Partikular na tinukoy ni Pitlo ang pangingialam ng Amerika sa isyu ng sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

“So tinitingnan ‘yung commitment ng Estados Unidos pagdating sa kanyang mga kaalyado. Ngayon nakararanas ng tensyon sa pressure mula sa Tsina sa parte natin dito sa isyu ng South China Sea,” dagdag ni Pitlo.

Aniya, marami na ang nag-aabang o nag-oobserba kung ano ang magiging polisiya o patakarang panlabas at patakarang pang-depensa kung sakaling si Trump man ay magkaroon ng pangalawang pagkakataon na maging Pangulo sa Estados Unidos.

Sang-ayon naman ang foreign policy at security analyst na may pagkakahalintulad ang sistema o istilo ng politika ng Pilipinas sa Estados Unidos.

“Siguro rin kasi, mga kalahating siglo din tayo, kumbaga ang Amerika ay naging colonizer natin, marami sa politika at pang-gobyerno polisiya natin o system ay naka-ayon o patterned after the US. Tinitingnan natin ang ehemplo halimbawa ng demokrasya ng Estados Unidos at sinusubukan natin siya na umusbong sa ating sistema. Although siyempre may pagkakaiba,” aniya pa.

Matatandaang kinondena rin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang tangkang pag-assassinate kay Former President Trump.

Sa inilabas na statement, sinabi ni FPRRD na ito ay isang wake-up call na walang sinuman, kahit isang dating pangulo at nangungunang kandidato sa pagka-presidente ay ligtas kahit sa pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.

Binanggit din ni dating Pangulong Duterte na ang resulta ng halalan sa Amerika ay may epekto sa ibang mga bansa, kabilang ang Pilipinas.

Ito’y habang pinupuna niya ang mga polisiya sa ilalim ng Democrat na si Joe Biden.

Dagdag ni FPRRD, ang mga patakaran ng kasalukuyang administrasyong Biden patungo sa Pilipinas, partikular na ang paglalagay ng missile system sa Ilocos Norte, ay naglagay sa ating bansa sa malaking panganib.

Ito aniya ay nagdulot din ng takot sa mga Pilipino na maging target ang bansa kapag sumiklab na ang digmaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble