KASUNOD ng naganap na SMNI Senatorial Debate nitong Miyerkules ng gabi, ay nagpahayag ng paghanga at papuri ang senatorial candidates sa naging format ng debate.
Naging matagumpay ang ginanap na SMNI Senatorial Debate kung saan katuwang nito ang The Manila Times at ALV Events International sa pag-organisa sa nasabing event.
Isa si Atty. Harry Roque na sumalang sa naturang debate at nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa SMNI sa pagkakataon na makapaglahad ng kanyang mga isusulong na programa sakaling mahalal na senador.
Ani Roque, bagama’t may bumanat nang personal sa kanya ay pinapatawad na niya ito.
“Kabahagi nitong debate lumabas po mga issues bagama’t may isa dyan na bumanat ng personal laban sa akin ay pinatatawad na po natin sya dahil kapag wala talaga argumento ay personal na banat ang ginagawa. Pero sa atin importante na magkaroon ng balitaktakan sa mga isyu na nakakaapekto sa buhay ng ating mga kababayan and congratulations at salamat po sa SMNI,” pahayag ni Atty. Roque.
Pinuri naman ni Roque ang format na mayroon ang SMNI sa mga debate kung saan nanggagaling mismo sa mga dalubhasa ang mga katanungan.
“Ganitong gusto kong format kasi walang bulahan ito. Ang mga question ay nanggagaling sa dalubhasa at nagrerequire ng tunay at mga intelihenteng mga answers,” ani Roque.
Umaasa naman ang isang senatorial candidate na si Ibrahim Albani na gawing modelo ang SMNI ng iba sa pag-oorganisa ng debate.
Saludo rin si Albani kay Pastor Apollo C. Quiboloy at sinabing modelo ng Pilipinas ang butihing Pastor.
“Well, this is really fantastic I think sana itong debate na ito magiging modelo sa lahat ng mga istasyon. ‘Yung mga hindi pa nakilala sa lipunan nabibigyan ng pagkakataon upang maipaliwanag nila ang kanilang mga adhikain platapormang pang-gobyerno at saludo ako sa gumagawa nito, saludo ako kay ating mahal na Quiboloy na modelo po sya ng bansang ito. Sana hindi lang ito kahit ano pang ano makasama kami sa debate,” ayon kay Albani.
Hanga naman si Albani sa mga paksa o tanong ng mga panelist.
“Question is really fantastic because it’s more on national issue. So, dito natin makikita ang tagisan ng talino kung itong mga kandidato ba ay nararapat at karapatdapat maglingkod sa bayan. Napakaganda yung mga tanong. It’s really intended for the applicant yung mga tanong,” ani pa ni Albani.
Sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio na itinaas muli ng SMNI ang antas ng political debate ng bansa.
Ang mga tanong aniya ay hindi pang-game show o palaro lamang bagkus, ito ay nagmumula sa mga matitinik na utak mula sa public service at academe kung saan may lalim at may sustansya.
Pinuri rin ng abogado ang pag-handle ng panelists sa umiinit na talakayan lalo na nang magkaroon ng tila bangayan sa pagitan ng ilang kandidato.
“Magaling ang ating panelists na-difuse nila ‘yung tension, magaling din ang ating moderator na si Attorney Karen Jimeno sapagka’t na-prevent nila na mag-escalate itong init kanina at bumalik po sa topic. Dapat ‘tong mga ito ay maging peace negotiator sa Ukraine eh,” ayon kay Topacio.
Higit sa lahat, pinuri ni Topacio si Pastor Apollo sa pag-organisa ng ganoong uri ng debate.
Aniya, maraming natututunan ang lahat sa naturang format ng debate kung saan iba’t ibang malalalim na isyu ang napag-usapan.
“I think the nation awes Pastor Apollo Quiboloy a debt of gratitude for undertaking this kind of debate ‘yung sa presidential man, sa senatorial at kita niyo naman apat na oras hindi nyo po nararamdaman sapagka’t hindi po lamang ninyo nakikilala ang pagkatao at ang plataporma ng kandidato kundi may natutunan pa po kayo –history, batas, tungkol sa Sabah, tungkol sa juvenile reform law – lahat po yan natututunan nyo eh ako mismo abogado na ako may natutunan pa akong bago sa gabing ito,” ayon kay Atty Topacio.
Samantala, nagbahagi rin ng kanilang pahayag ang senatorial candidates hinggil sa partnership sa pagitan ng Commission on Elections (COMELEC) at Rappler para sa halalan sa Mayo.
Sambit ni Atty. Roque, tutol siya sa paglagda ng COMELEC ng kasunduan sa Rappler para payagan itong magsagawa ng fact check sa mga pahayag ng mga kandidato gayundin ang paglikha ng precinct finder para sa mga botante.
Aniya partisan ang naturang online news site.
“Ako po ay hindi sang-ayon dyan dahil alam natin ang Rappler po partisan. ‘Yan po ay tinatawag na pink na pink,” ani Roque.
Kinuwestyon naman ng isa pang senatorial candidate na si Albani ang nilagdaang kasunduan ng COMELEC at Rappler kaugnay sa eleksyon.
Nangamba ito na baka magkaroon ng dayaan lalo kapag isang foreign entity ang nabigyan ng access sa kumpidensyal na data sa mga rehistradong botante at ng kapangyarihang magpasya sa eleksyon.
Kung ang magiging senador o presidente ay kontrolado ng anumang bansa, tiyak aniya na maghihirap na naman ang sambayanang Pilipino.
Kaya mahigpit ding tinututulan ni Albani ang naturang partnership at dapat walang foreign government gaya ng Amerika na makakontrol sa Pilipinas.
“Itong nakakapagtataka. My reaction why the Rappler which the American, own by American should not intervene on the national election. So, sana mabigyan ito ng pansin, mamuni-muni tayo kasi ito baka magkaroon naman ng dayaan because America using manipulation dito sa bansa natin and I hope the Filipino people must be vigilant na pag-aralan ito. If possible tanggihan natin na hindi sila dapat makialam sa eleksyon, sa internal problem lalong lalo na sa eleksyon ng bayan natin,” ayon pa ni Albani.
Kasunod nito, nanawagan si Albani sa lahat ng Pilipino lalo na sa mga kasalukuyang lider ng bansa, na kailangang mag-isip kung paano pigilan ang kolaborasyon ng COMELEC at Rappler.
Para naman kay Atty. Topacio, makasisira sa kredibilidad ng COMELEC bilang institusyon ang nasabing partnership dahil batid aniya ng lahat na ang Rappler ay isang propaganda machine ng mga banyaga.
“Kahit anong award ang ibinigay nila as a… puno nyan si Maria Ressa hindi po mabubura ang fact na umpisa noon hanggang ngayon ay kasinungalingan ang inilalako nitong Rappler,” ayon kay Topacio.
Sang-ayon naman si Topacio sa naging hakbang ng Solicitor General (OSG) kaugnay ng naturang isyu.
“Nararapat lamang sapagka’t malaki ang question ng legitimacy ng Rappler as a media institution at meron na nga pong findings na ang pagmamay-ari nyan ay parteng banyaga na hindi po pinahihintulutan ng ating mga batas. Bakit sa dinami-dami naman ng media institutions na credible dito sa Pilipinas hindi ko nga maintindihan kung bakit itong Rappler pa ang pinili nitong COMELEC. Palagay ko na-manipulate ang current leadership ng Rappler at itinuturo nga po yung spokesman ng COMELEC na sya pong may pakana nito,” ayon pa ni Topacio.
Una rito, Hinikayat ng Office of the Solicitor General (OSG) ang COMELEC na bawiin ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng poll body at news website na Rappler sa pagbibigay ng impormasyon na may kinalaman sa mga botohan sa eleksyon.