PORMAL nang sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng kasong qualified human trafficking si Atty. Harry Roque—dating tagapagsalita ng Malacañang at kilalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Bagama’t aminado si Roque na ikinalungkot niya ang naging hakbang ng DOJ, hindi aniya ito nakakagulat para sa kaniya. Sa halip, itinuturing niya itong bahagi ng mas malawak na kampanyang pampolitika na layong patahimikin at gipitin ang sinumang bumabatikos o hindi kakampi ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon pa kay Roque, ang kaso laban sa kaniya ay may direktang ugnayan sa kontrobersiyal at umano’y viral “pulvoronic video” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sinasabing nagpapahiwatig ng kahinaan ng liderato ng Punong Ehekutibo.
“Ito po ay inaasahan ko na bilang bahagi ng panunupil sa aking karapatan at pagpahirap sa mga kaalyado ni President Rodrigo Roa Duterte. Uulitin ko po ang pinagmulan ng lahat nito ang kanilang panggigipit sa akin ay dahil diyan sa pulvoronic video na ako raw ang napapakalat,” ayon kay Atty. Harry Roque, Dating Presidential Spokesperson.
Giit pa ni Roque, bagama’t siya’y pinasasampahan ng kaso, nagagalak siya na nailabas ang naturang video na aniya’y nagsisiwalat ng katotohanang kailangang sagutin ng Pangulo.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Roque na pinilit umano ng DOJ ang mga piskal na isama siya sa reklamo.
“Ang pagsampa po ng kaso sa akin ay isang afterthoughts. Sa supplemental complaint lang po ako idinawit. Para bagang narealize nila na noong nalaman nila na ako’y nasa abroad hindi nila ako mapapauwi, hindi nila makacancel ang aking passport sa pamamagitan lamang ng warrant of arrest mula sa Kongreso,” aniya.
Tinuligsa rin ni Roque ang umano’y kabagalan ng DOJ sa pag-aksiyon sa complaint affidavit ng PNP, na inabot ng halos apat na buwan—lagpas sa itinakdang 90-day rule.
Bagama’t naiintindihan niya ang pressure sa mga piskal, iginiit niyang wala umanong sapat na ebidensiya laban sa kanya.
“Malinaw po na hindi lang man naipakita na ako ay gumawa ng kahit anong elemento ng trafficking at malinaw po na wala ring ebidensiya na nagpapatunay na mayroon pong conspiracy, kaya nga po sinabi ko na isa sa pa sa mga karagdagang kasalanan ng Marcos administration ay ‘yung pangbababoy ng ating criminal justice system,” giit nito.
Dahil dito, naniniwala si Roque na may matibay siyang batayan para sa kaniyang hinihiling na asylum—bilang biktima ng unjust prosecution na aniya’y anyo ng political persecution.
“Hindi po ako pugante, ako po ay isang bonafide asylum seeker. At ang karapatan naman na humingi ng asylum ay aking isang karapatan bilang mamamayan ng mundong ito,” aniya pa.