ISANG linggo bago ang halalan sa May 12, nakakuha na ang Commission on Elections (COMELEC) ng certification mula sa Technical Evaluation Committee na nagsasabing ang kanilang sistema sa halalan, kabilang na ang overseas voting and counting system, ay secured, malinaw, at gumagana nang maayos.
“There is no more doubt na ang systems na gagamitin ho natin, transmission, FastTrac, ‘yong ating mga makina at ginagamit natin ngayon sa internet voting ay gagana ng maayos sa araw ng eleksyon. It is likewise strengthened the findings initially doon po sa ating final testing and sealing,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Public advisory na inilipat ang halalan sa May 10, tinawag na fake news ng COMELEC
Tinawag ng COMELEC na isa ring fake news ang panibagong public advisory na inilipat daw nila sa May 10 ang halalan dahil sa init ng panahon.
Ayon kay Garcia, layon lang ng mga nagpapakalat ng fake advisory na ito na lituhin ang mga botante para mapababa ang voters’ turnout.
“Parehas ang format doon sa format na sinabi na kailangan ng National ID para makaboto. ‘Yan po muli ay kasinungalingan na naman.”
“Sinabi natin, walang makakapigil sa kasalukuyan sa halalan sa Mayo 12, sapagkat ‘yan mismo ay nakalagay sa ating saligang batas. Tuloy na tuloy po ang halalan sa lahat ng presinto sa buong Pilipinas sa Mayo 12,” ani Garcia.
“Ang efforts nung mga nagmi-misinform o disinform ay pababain ang bilang ng mga botante na boboto…siguro aalamin natin, sino ba mabebenepisyuhan kapag boboto na konti lang o bababa ang bilang ng botante?” aniya pa.
COMELEC, hiniling sa Malacañang na ideklarang holiday ang May 12 elections
Ipinabatid ng COMELEC na sumulat sila sa Malacañang para hilingin na maideklarang holiday ang araw ng halalan sa Mayo 12.
Nakatakda na ring ideploy sa araw ng Martes ang mga balotang nakalaan para sa mga botante sa National Capital Region.
Matatandaang unang ibiniyahe ang mga balota na para sa mga malalayong lugar.
“Noong mga nakaraang araw, Sabado, Linggo, hanggang ngayon deployment na Luzon. Noong Sabado, Region 3 and Region 02 ang dineploy. Bukas po ay NCR na.”
“Mas maaga po ito kahit papaano para malaman natin kung mayroon nga bang maling naidala na balota o may balota na kulang sa mga pagdadalhan na mga lugar. So far, on time po tayo sa ating ginagawa,” aniya pa.
Muli namang hinimok ng COMELEC ang mga kandidato at political parties na maglagay ng watchers sa mga municipal treasurers’ office kung saan ilalagak ang mga balota.
Pagdating naman sa makina o mga automated counting machine, 98 percent na raw ang tapos na maipadala ng komisyon. Ayon kay Garcia, dapat bago magtapos ang final testing and sealing sa May 7 ay maipadala na ang lahat ng mga makinang gagamitin sa halalan.
Bilang ng kaso ng vote buying sa COMELEC, kulang-kulang nasa 400 na— Chair Garcia
Patuloy ang komisyon sa pagresolba ng mga alegasyon ng vote buying at iba pang paglabag ng mga kandidato.
Sa ngayon, halos nasa 400 na ang reklamo na may kinalaman sa pamimili ng boto.
“Pinapakalap na natin sa clerk of the Commission ang mga may kasong disqualification, pinapa-analyze na namin sino may mabigat na ebidensya laban sa kanila upang mapag-aralan posibilidad na mag-suspend ng proclamation sa mga kandidatong ito kung sakaling sila ay Manalo,” aniya.