NAGKAROON ng back-to-back na Miting de Avance at campaign rally sa London noong Abril 27 upang i-endorso ang PDP-Laban senatorial slate para sa darating na halalan ngayong Mayo.
Unang isinagawa ang pagtitipon sa Marble Arch, London, sa pangunguna ng PDP-Laban UK chapter at dinaluhan ng daan-daang Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng United Kingdom.
Matagumpay ang naging selebrasyon kung saan masiglang ipinakita ng mga dumalo ang kanilang suporta.
Tampok sa programa ang mga makabayang talumpati at mga pagtatanghal na lalong nagpasigla sa mga manonood.
Dumalo rin sa nasabing okasyon ang mga estudyante at abogado mula sa JMC College of Law na lumahok sa isang kompetisyon sa Oxford.
Nakibahagi sila bilang simbolo ng pagkakaisa at pagkilos para sa kinabukasan ng bansa.
Samantala, ang ikalawang bahagi ng kampanya ay ginanap sa Charteris Sports Centre, sa pangunguna ng MAISUG UK, katuwang ang Bangsamoro UK. Muling dumagsa ang mga Pilipino—lalo na ang mga kapatid nating Moro Muslim—na matatag ang suporta sa mga Duterte.
Makikita sa pagtitipon ang taos-pusong pasasalamat ng komunidad sa mga repormang ipinatupad ng administrasyong Duterte, lalo na para sa mga Pilipinong Muslim.
Bilang tugon, ipinahayag ng mga dumalo ang kanilang panata na bumoto ng straight PDP-Laban.
Nagbigay rin ng talumpati ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon at parallel groups na sumusuporta sa PDP-Laban.
Kanilang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagpili ng mga kandidatong tunay na may malasakit sa bayan.