SISIMULAN na ng Bacolod City ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga may edad 12 hanggang 17-taong gulang at may comorbidity sa Nobyembre 5, 2021.
Sa isang pahayag, sinabi ng Emergency Operations Center- Task Force (EOC-TF) na binigyan na ng go signal ng Department of Health (DOH) ang Bacolod City na simulan ang vaccination sa mga nasa ilalim ng “pediatric a-3”.
Kabilang sa mga magiging prayoridad sa babakunahan ay ang mga may HIV, cancer, tuberculosis at down syndrome.
Ayon kay EOC Deputy for Medical Dr. Chris Sorongon, target ng city government na mabakunahan ang mahigit 100,000 menor de edad.
Sa ngayon, kinukuha na ng EOC-TF ang masterlist ng mga nasa age group bilang paghahanda sa nalalapit na pagbabakuna.
Higit 3,000 bata na may comorbidities, nabakunahan na kontra COVID-19
Pumalo na sa 3,416 na kabataang may edad 12 hanggang 17-taong gulang na may comorbidities ang nabakunahan na kontra COVID-19 hanggang kahapon, Oktubre a-19.
Batay ito sa ulat ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong Miyerkules.
Ayon kay Vergeire, mas maraming ospital ngayon ang plano ng pamahalaan na isama sa pediatric vaccination program.
Una nang sinabi ng DOH na apat lamang ang naiulat na nagkaroon ng adverse effects kasunod ng paglunsad ng pediatric vaccination.
Sinabi rin ni Vergeire na sasagutin ng gobyerno ang gastos kung makararanas ang bata ng adverse reaction matapos na mabakunahan.