TIWALA si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkakaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho ang mga Pilipino kasunod ng pag-unveil ng township marker sa Bacolod City.
Sa loob ng 34-ektaryang township development ng Megaworld sa lungsod, pinangunahan ni PBBM ang seremonyal na pag-unveil ng isang township marker.
Sa kanyang talumpati, pinuri ng Pangulo ang pag-unlad sa lalawigan, at sinabing mahalaga ito sa pagsusulong ng mga hakbangin ng administrasyon para sa pagbabago ng ekonomiya pagkatapos ng pandemya.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Marcos na ang multi-million project ng Alliance Global Group Inc., sa pangunguna ng CEO nitong si Kevin Tan, ay bubuo hindi lamang ng mababang trabaho kundi mga de-kalidad na trabaho na magpapaangat sa buhay ng mga Bacolodnon.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Tan, na bahagi ng Marcos’ Private Sector Advisory Council (PSAC), na ang pagpapaunlad ng township at ang iba pang pamumuhunan ng kanyang kumpanya sa Bacolod ay inaasahang lilikha ng higit sa 500,000 direkta at hindi direktang mga trabaho sa Negros Occidental.
Kabilang sa mga pangunahing proyekto ni Tan na nasa pipeline ngayon ay ang Megaworld Lifestyle Mall at ang kauna-unahang Landers Superstore sa Western Visayas.