PORMAL nang umupo bilang Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman si Attorney Cheloy Garafil sa central office nito sa Quezon City.
Hunyo 23 nang ma-appoint si Atty. Cheloy bilang chairperson ng ahensiya sa ilalim ng Marcos administration.
Aminado ang bagong chairperson na hindi madali ang kanyang hahawakang ahensiya kaya bago rito ay nagkaroon siya ng agam-agam kung tatanggapin ba ang alok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kabila nito, labis naman ang kanyang pasasalamat sa bagong Pangulo dahil sa pagtitiwala sa kanyang kakayahan na pamunuan ang LTFRB sa kabila ng hamon na kinahaharap ngayong pandemya.
At ngayong siya na ang bagong pinuno ng LTFRB, ibinahagi nito ang 3 mandatong ibinilin ni Pangulong Marcos sa kanya.
Pagbibigay diin pa nito, sisiguruhin niyang maraming trabaho ang gagawin, iba’t ibang mga programa, at proyekto na magpaluluwag sa buhay ng mga driver at mananakay.
Mababatid na si Atty. Cheloy ay tubong Pangasinan at lumaki sa Tarlac City na pinalaki ng amang magsasaka at isang overseas Filipino worker (OFW) na ina.
Aniya, pagpupursige at tiyaga ang kanyang naging pundasyon para makamit ang tagumpay sa buhay.
Bago pa man ang kanyang pag-upo bilang LTFRB chief, una muna itong naging reporter, abogado, naging prosecutor, state solicitor, at service director ng House of Representatives.
Sa gitna nito, emosyonal namang nagbahagi ng kanyang mensahe si dating Chairman Martin Delgra III sa harap ng kanyang mga empleyado.
Pinasalamatan nito si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagtalaga sa kanya na hawakan ang ahensiya noong Hulyo 1, 2016 hanggang 2022.
Sa kabila nito, kumpiyansa naman siya sa abilidad ni Garafil na pamunuan ang ahensiya sa halos 6 na taon at nanawagan ito sa publiko na suportahan si Garafil bilang bagong pinuno ng LTFRB.
Sa 6 na taong panunungkulan ni Delgra sa LTFRB, iba’t ibang programa na rin ang nailunsad nito na nagbigay ng kaginhawaan sa buhay ng mga motorista at mananakay.
Kabilang ang Public Utility Vehicle Modernization Program, Anti-Colorum Campaign, Pantawid Pasada Fuel Subsidy Program na hanggang ngayon ay natatamasa dahil sa sunod-sunod na oil price hike.
Naging programa rin ng LTFRB ang Direct Cash Subsidy, Drivers Academy Program, Ilocos Taxi Service, Libreng Sakay at Hatid Estudyante, Service Contracting Program at Central Public Utility Vehicle Monitoring System.
Samantala, naging panauhing pandangal naman sa naturang seremonya si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista kung saan aminado ito na nakikita niya na malaki ang kahaharapin na problema ng road transport.
Pero sisikapin niya katuwang ang iba’t ibang sektor na solusyunan ito kung saan nagkaroon din ng pagpupulong matapos ang ceremonial turn-over kanina upang pag-usapan ang mga programang ilulunsad at palalawigin pa.
“Nakikita ko na ang malaking problema ay nandito sa road transport and for that reason I told Atty. Cheloy that I would like to talk to them, I would like to visit their programs and it’s about time that we act as fast as possible to that we can address the problem and issues to road transport,” pahayag ni Bautista.