Bagong coastguard regulation ng China sa WPS, ikinababahala ng PH gov’t—NSC

Bagong coastguard regulation ng China sa WPS, ikinababahala ng PH gov’t—NSC

NAGLABAS kamakailan ang China ng bago nilang coastguard regulation na may kinalaman sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Batay sa naturang regulasyon, may karapatan ang China na mag-ditine, mag-aresto at mag-expel ng mga mangingisda, halimbawa rito, kung sinuman ang nagte-trespass sa kanilang sinasabing karagatan, na hindi dadaan sa paglilitis.

Sa isang public briefing nitong Lunes, sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na ito’y nakakabahala.

“Ito po ay kinababahala ng ating pamahalaan at iyong mga pamahalaan pa sa rehiyon, kasi ito po it is not only apply, hindi lang po ito nag-a-apply sa Pilipinas. It also apply to Taiwan for example, to Brunei, Indonesia to Malaysia lahat ng mga bansa na, na nandiyan sa South China Sea and in particular iyong aming 200 nautical miles exclusive economic zone,” saad ni Jonathan Malaya, Asst. Dir. General, NSC.

Dagdag ni Malaya, ang ganitong paglalabas ng Tsina ng bagong regulasyon, kasunod noong Atin Ito civilian convoy ay nakakabahala sa parte ng pamahalaang Pilipinas.

Itinuturing aniya ito bilang provocative at escalatory.

Sa June 15 daw sisimulan ng China ang pag-implementa ng kanilang bagong coastguard regulation.

Bagong coastguard regulation sa WPS, parte ng ‘scare tactics’ ng Tsina ayon sa NSC

Ngunit, sa tingin ni Malaya, parte lang ito ng scare tactics ng Tsina.

Sa posisyon ng National Security Council (NSC), ay hindi ito magpapa-intimidate at magpapatalo sa aksiyon na ito ng Beijing.

Iginiit pa ni Malaya na dapat tuluy-tuloy lang aniya ang pangingisda ng mga mamamayan at itaguyod ang karapatan sa West Philippine Sea dahil parte aniya ito ng Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas.

“Noong 2021 naglabas na rin sila ng bagong coastguard noon na may ganito rin powers and authority pero hindi naman nila ginawa ‘no. It’s been how many year since then, so ang sa tingin namin and sa tingin din ng Philippine Coast Guard, this is an empty threat on the part of China,” pahayag ni Jonathan Malaya, Asst. Dir. General, NSC.

Sakali namang gagawin nga ng China ito, inihayag ni Malaya na nag-utos na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at National Security Adviser Eduardo Año sa Philippine Coast Guard (PCG) kasama na rin ang ibang assets gaya ng Philippine Navy na paigtingin ang presensiya sa West Philippine Sea.

“On the part naman of our Naval assets, greater presence para kung saka-sakaling may ganitong insidente may matatawagan sila at puwedeng sumaklolo iyong ating mga barko,” dagdag ni Malaya.

Samantala, ipinanawagan naman ng NSC na ituluy-tuloy lang ang pangingisda gayundin ang civilian convoy sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble