Bagong Henerasyon PL naiproklama na ng COMELEC ngayong araw

Bagong Henerasyon PL naiproklama na ng COMELEC ngayong araw

GANAP nang naiproklama ng Commission on Elections (COMELEC) ang Bagong Henerasyon Party-list bilang isa sa mga nanalong grupo sa katatapos na May 12 midterm elections.

Batay ito sa inilabas na Certificate of Proclamation ng COMELEC ngayong araw para sa nasabing party-list group.

Nakapagtala ang Bagong Henerasyon ng mahigit 300,000 boto, sapat upang masungkit ang isang puwesto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Si Congressman-elect Robert Gerard Nazal, Jr., ang first nominee ng grupo, ang siyang uupong kinatawan ng Bagong Henerasyon Party-list hanggang Hunyo 30, 2028.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, pinili ng BH Party-list na tanggapin na ngayong araw ang kanilang Certificate of Proclamation.

Matatandaang naantala ang proklamasyon ng grupo matapos ipagpaliban ng COMELEC ang pagpapalabas nito bunsod ng nakabinbing disqualification case laban sa party-list.

Ngunit kahapon, araw ng Huwebes, ay naglabas na ng Certificate of Finality at Entry of Judgment ang Comelec en banc kaugnay ng desisyon nitong ibasura ang kaso na siyang nagbigay-daan sa opisyal na proklamasyon ngayong araw.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble