ANG makasaysayang Intramuros, na saksi sa mahahalagang yugto ng ating kasaysayan, ngayon ay handa nang maranasan sa modernong paraan.
Mula sa dating tanong na “saan ba ang lakad?”, ngayon ay isang tap na lang ang sagot.
Opisyal na kasing inilunsad ngayong linggo ang Intramuros App. Isa itong makabagong web-based application na layong gawing mas madali—mas accessible—at mas interactive ang paglalakbay sa loob ng Walled City, kahit nasaan ka pa.
Ayon kay Atty. Joan Padilla ng Intramuros Administration, paghuhusayin ng application na ito ang overall tourism experience dahil ang information at services ay mas accessible na at user-friendly.
“This web-based app is designed to enhance the overall tourism experience by making information and services more accessible and user-friendly,” wika ni Atty. Joan M. Padilla, Intramuros Administration.
Sa pamamagitan ng app.intramuros.gov.ph, puwede ka nang mag-virtual tour, maghanap ng mga kainan, DOT-accredited tour guides, local shops, at DIY walking tours—lahat sa isang tap lang sa iyong gadget.
Wala nang download-download dahil puwede nang buksan agad ang nasabing website para always updated.
Ang Phase 1 ng Intramuros App ay may features gaya ng
- About Intramuros
- What to See
- Where to Eat
- DIY Tours
- Tour Guides
- Events Calendar
- Transport info at iba pa
Sa Phase 2, inaasahan na madaragdagan ang app ng Permit applications at event bookings; augmented Reality experiences; Halal food finder; at booking system para sa sustainable tourism.
Ang Intramuros ay nabuo sa pagtutulungan ng Intramuros Administration, Department of Science and Technology-National Capital Region, at CIIT College of Arts and Technology.
Binigyang-diin naman ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang kahalagahan ng pagsasanib ng kultura at teknolohiya upang parangalan ang nakaraan, paglingkuran ang kasalukuyan, at hubugin ang kinabukasan.
“The launch of the Intramuros App is a clear example on how we can use science, technology, and innovation to honor the past, serve the present, and shape the future,” ayon kay Sec. Renato Solidum Jr., Department of Science and Technology.
Sa pamamagitan ng Intramuros App, umaasa ang pamunuan ng Intramuros Administration na mas marami pang turista ang bibisita at mas maeengganyo ang publiko na muling tuklasin ang kasaysayan ng Walled City—ngayon, sa digital na paraan.