BAI, ikinababahala ang posibleng pagkalat ng ASF sa iba pang lugar sa Carcar City

BAI, ikinababahala ang posibleng pagkalat ng ASF sa iba pang lugar sa Carcar City

NABABAHALA ngayon ang Bureau of Plant Industry (BAI) ng Department of Agriculture (DA) sa posibilidad na mahawa pa sa African swine fever (ASF) virus ang ibang babuyan sa isang barangay sa Carcar City, Cebu.

Ito ang binigyang-diin ni BAI Director Dr. Paul Limson matapos ipahinto ni Cebu Governor Gwen Garcia ang ginawang culling o pagpatay ng baboy ng ahensiya.

Kailangan aniya ipatupad ang culling sa mga baboy at mga babuyan na kalapit na nasa loob ng 500-meter radius mula sa apektadong lugar.

Ipinunto pa niya sa oras na hindi ito masolusyunan ay asahan na marami pang lugar sa Carcar City ang maapektuhan ng ASF virus.

Nanindigan din ang BAI na tama ang kanilang ginawang testing sa mga baboy na sumailalim sa culling matapos magpositibo sa naturang virus.

Ani Limson, kumuha rin sila ng sample o dugo ng mismong inalagaang baboy.

Ang pahayag na ito ng BAI ay matapos magduda si Gov. Garcia sa ginawang pagsusuri ng BAI sa mga umano’y apektado ng ASF.

Kinuwestiyon ni Garcia kung bakit sa slaughterhouse o katayan kinuha ang sample na wala namang ipinakikitang sintomas ang mga baboy doon.

Aniya, dapat ay sa mismong babuyan isinagawa ang pagsusuri gaya ng farm o kaya ay sa backyard kung saan madalas nakikita ang sintomas ng sakit.

Plano ring bumuo ng lalawigan ng sarili nitong polisiya kaugnay sa isyu.

Sa ibinahaging datos ng BAI, halos 100 baboy ang napatay na bahagi ng protocol mula nang lumabas ang resulta ng ASF test.

Samantala, pinaboran ng isang hog raiser group ang ginawang hakbang ng gobernador.

Pagbibigay-diin naman ni DA Assistant Secretary Rex Estoperez, makikipag-ugnayan na sila sa gobernador upang masolusyunan ang isyu.

“The Department of Agriculture na sinabi naman ni Senior Usec. Panganiban, let’s harmonize our move towards that so hindi maapektuhan na lumaki pa itong problema natin to stabilize also the price and supply,” ani Asec. Rex Estoperez, DA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter