PASADO alas otso ng umaga kanina nang matagpuan ang isang di pa matukoy na bangkay ng nasunog na katawan sa paligid ng barko ng cargo vessel na nasunog noong Hunyo 12, Sabado sa Delpan, Maynila.
Simula Sabado matapos ang fire out ng sunog ay patuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operation sa isang nawawalang pahinante na nagpakargo sa MV Titan 8 nung naganap ang sunog nitong Hunyo 12.
Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nawawalang na pahinante ng nasabing cargo vessel na si Edmund Palanca.
Naabutan pa ng SMNI News team ang ginagawang paghahanap o search and rescue operation ng PCG sa nawawalang pahinante.
Pero ayon kay PCG spokesperson Armand Balilo nakikipag-ugnayan na sila sa SOCO para kilalanin ang naturang bangkay dahil ito ay sunog.
Di pa rin masabi kung ang nasabing missing na si Palanca ang naturang bangkay na natagpuan sa paligid ng nasunog na barko.
Samantala, humigit-kumulang 40 magkakalapit na bahay sa Delpan Bridge sa Maynila ang naapektuhan ng sunog ng isang cargo vessel.
Ayon sa PCG, nadamay ang mga bahay na ito matapos anurin ang mga drum ng gasolina na lulan ng nasusunog na MV Titan 8.
Matatandaan nitong nakalipas na Sabado umabot sa ika-limang alarma ang sunog sa barko na MV Titan 8 sa Muelle dela Industria Port sa Delpan.
Idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang fire out sa mga kabahayan noong Sabado ng 2:57 ng hapon habang 4:00 ng hapon naman ang oras kung kailan idineklara ang fire out sa MV Titan 8.
Nagsagawa ng water sampling ang PCG Marine Environmental Protection Command para masuri ang epekto ng nasunog na cargo vessel sa katubigan ng Delpan Bridge sa Maynila.
Naglatag rin ng absorbent pads ang PCG para masala ang makakapal na ‘oil sheens’ sa bahagi kung saan lumubog ang barkong, MV Titan 8.