DAPAT habaan ng mga tao ang kanilang pag-unawa.
Ito ang naging tugon ni Deputy Speaker at senatorial candidate Rodante Marcoleta sa panayam ng SMNI News hinggil sa isyu ng pamba-bash kay Toni Gonzaga dahil sa pagsuporta nito sa Uniteam.
“Si Ms. Toni Gonzaga, trabaho niya ‘yun. Kilala naman natin siya, professional siya, ‘yun ang gawain niya. Bakit kinakailangan ikapit ‘yung trabaho niya doon sa diwa nung kaganapan doon?” ayon kay Marcoleta.
Kung matatandaan, sa kick-off ng National Campaign Period noong Pebrero 8, si Toni ang naging host ng proclamation rally ng Bongbong Marcos – Sara Duterte tandem na ginanap sa Philippine Arena.
“Yun ay isang proclamation rally, para bang pinasasama pa siya. Lalo na noong pinapakilala niya ako, ang buong akala naman ng mga naninira sa kanya, ako raw ang nagpasara ng ABS-CBN,” dagdag ni Marcoleta.
Ang rason ng mga bash, pro-government ang Uniteam at nasa senatorial slate pa nila si Marcoleta na umano’y nagpasara ng ABS-CBN na kinabibilangan naman ni Toni Gonzaga.
“Dapat habaan ng mga tao ang kanilang pag-unawa hindi naman natin ipinasara. Ang ginawa natin ay ang pagtupad ng tungkulin natin,”pahayag ni Marcoleta.
Handa namang ipaliwanag ni Marcoleta ang isyu ng pagsasara ng ABS-CBN sa kaniyang pangangampanya.