MAGING sa Pilipinas man o sa labas ng bansa ay hindi maipagkakaila ang labis-labis na pagsuporta ng ating mga kababayang Pilipino para sa BBM-Sara UniTeam.
Noong araw ng Linggo, Marso 27, 2022 ay nagsagawa ng nationwide campaign rally ang BBM-Sara supporters sa iba’t ibang bahagi ng Australia.
Dinayo ang nasabing rally ng iba’t ibang grupo ng Filipino community mula sa New South Wales, Victoria at South Australia.
Isinagawa naman ang nationwide rally sa syudad ng Sydney, Melbourne at Adelaide.
Sa pamamagitan nito ay umaasa sila na maipaabot ang kanilang taos-pusong pagtangkilik sa kanilang paboritong tandem maging sila man ay nasa ibayong-dagat.
Sa idinaos na rally sa Hyde Park sa Sydney ay dinig na dinig ang pagtugtog ng pambansang awit ng Pilipinas at ng Australia.
Umulan man o umaraw ay hindi nagpatinag ang ilan sa ating mga kababayan na ikasa ang campaign rally habang suot-suot ang kanilang red at green t-shirts at bitbit ang kanilang placards.
Hindi alintana ang biglaang pagbabago ng panahon maisigaw lang ng BBM-Sara supporters ang kanilang nag-uumapaw na pagsuporta para sa kanilang napupusuang tandem.
Maliban sa Sydney ay damang-dama ang mainit na pagtanggap ng ating mga kababayang Pilipino para sa BBM-Sara UniTeam sa Footscray Park sa Melbourne, Australia.
Halos lahat ng nakiisa sa campaign rally ay iisa lamang ang hinihiling, na sana ay maipagpatuloy ang magandang nasimulan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI Australia, naglahad ng kani-kanilang saloobin ang ilan sa ating mga kababayan kung bakit nga ba nila napupusuang iboto ang BBM-Sara tandem ngayong darating na halalan.
Hindi naman napigilan na mapaluha ni Abraham Valencia, isang non-uniformed Air Force personnel, habang ipinapaliwanag kung bakit napili niya ang BBM-Sara tandem.
Bilang isang piping saksi sa isinagawang EDSA People Power Revolution noong taong 1986 na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, hiling niya na sana ay maging tuloy-tuloy na ang magandang pagbabago na nasimulan ni Pangulong Duterte.
Panawagan naman ni Elizabeth Dimaunahan, dating narecruit ng New People’s Army nung siya ay estudyante pa lamang sa Polytechnic University of the Philippines, huwag nang iboto ang mga senador at congressman na nagpaplanong alisan ng pondo ang NTF-ELCAC.
Napahanga rin umano siya sa ipinakitang galing ni BBM sa pagsagot sa mga mahihirap na katanungan habang ginigisa ito ng mga batikang panelista sa ginanap na Deep Probe Interview ng Sonshine Media Network International.
Para naman kay Leoni Roger, subok na subok na niya ang kahusayan ng pamamahala ng mga Marcos. Sariwa pa sa kanyang alaala kung paano siya ipinatanggal sa trabaho ni dating Pangulong Cory Aquino sa kadahilanang isa umano siya sa “cronies” o malapit na kaalyado ng pamilyang Marcos.
Nagpaabot din ng kanilang pagbati ang iba’t ibang grupo ng Filipino community sa Australia para sa ika-77 kaarawan ni Pangulong Duterte noong March 28 kasabay ang kanilang paghanga sa kanyang ipinakitang liderato sa nakalipas na anim na taon.
Maliban sa Sydney, Melbourne at Adelaide ay nagsagawa rin ng BBM-Sara gathering ang ating mga kababayang Pilipino sa Lennox Gardens sa Canberra, Australia noong ika-19 ng Pebrero.