BCMT Class 04-2023, nagsimula na ang 45-day training

BCMT Class 04-2023, nagsimula na ang 45-day training

NAGSIMULA na ang 45 day training ng basic citizen military training (BCMT) Class 04-2023 na pawang boluntaryong sumali upang maging kabahagi ng reserve force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging katuwang ng militar sa pagresponde at pagprotekta sa ating bansa.

Pag-ibig sa Inang Bayan ang siyang dahilan kung bakit nagkatagpo ngayon ang 120 sibilyan dito sa 1RCDG na pumasok sa basic citizen military training.

Hindi naging hadlang para kay Cyrus at Zandina ang tuparin ang kanilang pangarap na maging sundalo at maglingkod sa bayan kahit na ngayon ay isa silang guro na nagtuturo sa mga paaralan.

“Pinili ko po ito na mag take ng basic citizen military training dahil hindi lang para maipakita ko na mahal ko ang bayan bagkus ito ay nagpapakita na mahal mo ang Diyos at mahal mo rin ang iyong kapwa tao,” ayon kay Cyrus John David Hidalgo Fernandez, 31, Professional Teacher at Math Excellence Academy Inc.

“Nag-undergo po ako ng basic citizen military training upang matutuhan ang military discipline dahil umaasa po ako na magagamit ko rin po ito sa aking propesyunal. Maaari ko sila ma-motivate, o ma-encourage ko sila na makapagserve sa bayan,” ani Zandina Lao-ang, 27.

Ganito rin ang naging inspirasyon ni Phoebe na nagtapos sa kursong Education na nais magkaroon ng karanasan at matuto ng tamang disiplina at patriotismo na maaari nitong gamitin sa kaniyang pagtuturo bilang isang guro, habang si Rosemarie ay hindi pinalagpas ang pagkakataon na maging kabahagi ng Reserve Force kahit na sa murang edad.

“As an altar server, hindi lang ako sa Diyos nagseserve, gusto ko din mag serve para sa bayan at makapasok sa serbisyo,” saad naman ni Phoebe Salvador, 24.

“Nag join po ako dito for experience and ito po yung dream ko na para makapasok na rin po, para may idea na rin po ako sa mga gagawin ng military,” para kay Rosemarie Ordones, 18, Trainee.

Ilan lamang sila sa mga sibilyan na boluntaryong sumali upang sumailalim sa basic citizen military training na ginanap sa Camp Lt. Tito Abat sa Manaog, Pangasinan military base.

Sasailam ang mga sibilyan sa 45-days na pag-eensayo upang sanayin sila pagdating sa pagresponde sa panahon ng kalamidad, sa giyera at maging sa pagiging disiplinadong mamamayan na tunay na may pag-ibig sa ating bansa.

Ang nasabing seremonya ay pinangunahan nina Mayor Karl Christian Vega ng Mapandan, Pangasinan at ni Col. Leopoldo Babante, Group Commander ng 1RCDG.

Laking pasasalamat ni Mayor Vega na isa ito sa naging panauhing pandangal lalo na’t isa rin itong bahagi ng Reserve Force bago ito nagserbisyo sa bayan sa pamamagitan ng pamahalaan.

“Ang pinakamagandang nakuha mo o na-gain mo sa experience na ito ay ang pagiging patriotism nga. Ito ay isang pagbibigay ng serbisyo hindi lamang sa iyong bayan, but instead pag kinakailangan ka ng Pilipinas ay nandiyan na handa ang kababayan. So itong grupo na ito, isa na po ito para maging- to educate ourselves na how to be responsible citizen,” ayon kay Mayor Karl Christian Vega.

Nasa 120 na sibilyan ang sumali sa BCMT na may edad na 18-35 years old mapa-high school graduate at maging ang mga propesyunal.

Samantala, bagamat malaking hamon ay sapat naman ang kakayahan ng 1RCDG ani Col. Leopoldo Babante, group commander ng 1RCDG na i-accommodate ang mga programa nito pagdating sa personnel at facilities na kailangan para sa mga trainee lalo na’t may ide-deploy naman na higit 300 personnel mula sa iba’t ibang unit ng army para tumulong sa programa ng Arescom.

Ang isa pang tinitignan namin ay ‘yung reservist kasi ‘yung component ng army natin is regular force at saka reserve force. So, ‘yung reserve force, meron kaming ita-tap na mga reservist natin para tumulong sa mga ROTC program. So, meron tayong mata-tap as instructors, o mga tactical officers,” pahayag ni Col. Leopoldo Babante, Group Commander ng 1RCDG.

Tapat ang militar sa kanilang tungkulin na protektahan ang ating bansa at patuloy ang kanilang ginagawang panghihikayat sa publiko na makibahagi sa basic citizen military training nang sa gayon ay mas lumakas pa ang puwersa ng militar pagdating sa pagresponde at pagprotekta sa ating bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter