Benefit package para sa heat-related illnesses maaaring i-avail sa PhilHealth

Benefit package para sa heat-related illnesses maaaring i-avail sa PhilHealth

TINIYAK ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa publiko na saklaw rito ang mga serbisyo para sa mga na-admit na miyembro nito na nakararanas ng heat-related illnesses gaya ng heat stroke, heat exhaustion at iba pa.

Kapag ang mga miyembro o kanilang dependents ay kailangang ma-admit sa anumang PhilHealth accredited health facilities dahil sa mga nasabing sakit, magbibigay ang state health insurer ng benefit package.

Sinabi ni PhilHealth Spokesperson Dr. Israel Francis Pargas, para sa heat-related illnesses katulad ng heat exhaustion o heat stroke, ang kanilang pakete ay nasa P12K–P18K.

Pagbabahagi pa ni Pargas, mayroon na ring bagong benefits na iniaalok ang PhilHealth, ito ang Emergency Room Package—na kung ang pasyente ay nadala sa emergency room at nangangailangan ng emergency treatment o urgent care ay mayroon na ring benepisyo.

“Kung hindi po kailangang ma-confine ang pasyente like after two hours or four hours nag-stay sila sa ER, mayroon na rin po tayong benepisyo para po sa ating emergency room care,” ayon kay Dr. Israel Francis Pargas, Spokesperson, PhilHealth.

Una nang nagpaalala ang Department of Health (DOH) laban sa mga sakit na may kaugnayan sa mainit na panahon o dry season.

Ibinahagi ng DOH na ang temperaturang mula 33-41 degrees Celsius ay inuri ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) bilang “extreme caution” habang “danger” ang 42-51 degrees Celsius.

Ang ganitong mga temperatura ay maaaring humantong sa heat cramps (pamumulikat) at heat exhaustion (pagkahapo), na may mga sintomas gaya ng pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo, pagsusuka, at pagkahilo.

“Ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, pagkalito, o kaya ay mga seizure/kombulsyon, na maaaring nakamamatay kung hindi ginagamot,” pahayag ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, Department of Health.

Pinayuhan naman ng kagawaran ang publiko na regular na subaybayan ang mga ulat mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Nag-abiso rin ang DOH na gumawa ng mga hakbang sa pag-iwas laban sa mga sakit na ito kabilang ang pag-inom ng maraming tubig; gayundin ang paglimita sa oras na ginugugol sa labas sa pagitan ng alas diyes ng umaga (10am) hanggang alas kwatro ng hapon (4pm).

Dagdag pang payo ng health department, magsuot din ng maluwag at magaan na damit at gumamit ng proteksyon sa araw tulad ng mga sumbrero, payong, at sunblock.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble