Bentahan ng karneng baboy, matumal dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo nito; Ilang gulay, tumaas ang presyo

Bentahan ng karneng baboy, matumal dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo nito; Ilang gulay, tumaas ang presyo

MAHAL pa rin ang bentahan ng karneng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila kahit pa tapos na ang holiday season.

Sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila, P450 na ang kada kilo ng liempo habang P400 naman sa pigue, kasim at porkchop.

Sabi ng tinderong si Jacinto Quilang, halos wala na aniya silang kinikita sa pagbebenta ng karneng baboy.

‘’Noong December ay nasa P280 pa lang nakakapagtaka kung bakit ganon hindi pa nga nauubos ‘yung kalahati ng buo, aabutin pa ng dalawang araw,’’ ayon kay Jacinto Quilang isang tindero.

‘’Sana bumaba kasi hindi na kakayanin ng mga tao bumili madalang na lang sila na bumili,’’ sabi nito.

Ang Department of Agriculture (DA), aminado na hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik sa normal ang presyuhan sa karneng baboy.

Epekto pa rin daw ‘yan ng African Swine Fever (ASF).

‘’Maraming factors kasi kung saan galing, bayad sa stall and kung ano-ano pa,’’ saad ni Asec. Arnel De Mesa.

‘’Nakita natin na ‘yung pagtaas ay dahil nung 3rd quarter ay talagang sumipa ang kaso ng ASF at ‘yung 4th quarter naman ay maraming demand,’’ wika nito.

Samantala, bukod sa karneng baboy—tumaas din ang presyo ng talong na umaabot na sa P150 kada kilo mula sa P60.

May kakulangan naman sa suplay ng ampalaya sabi ng ilang retailers kaya hindi muna sila nagbebenta.

Pero, may pagbaba na sa presyo ng kamatis na ngayon ay higit P100 na lang kada kilo kumpara noong Disyembre.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter