WALANG radio challenges mula sa mga dayuhang barko na natanggap ang BRP Francisco Dagohoy habang naglalayag patungong Pag-asa Island na bahagi ng Spratlys sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Bitbit ang mga bagong kagamitang pangisda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ligtas na nakarating ang BRP Dagohoy sa Pag-asa Island.
Nakasama ang SMNI News sa paglalayag ng PCG at BFAR sakay ng BRP Francisco Dagohoy papuntang Pag-asa Island.
Mamamahagi ang BFAR ng mga bagong kagamitan na nagkakahalaga ng halos P5-M para sa mga mangingisda ng Pag-asa Island.
Layon ng ahensiya na makatulong sa mga mangingisda na mapalawak at mapabuti ang kanilang panghuhuli sa WPS.
12:00 ng tanghali nitong Lunes nang nag-umpisang lumayag ang BRP Dagohoy patungo sa Pag-asa Island kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Ayon sa PCG, tatagal ng 28 oras ang paglalayag patungo sa Pag-asa Island.
At tulad ng inaasahan, sinalubong ang vessel ng mga malalakas na alon habang lumalayag.
“As expected po ‘nung bago tayo mag-depart from Bulugan, naging rough sea condition talagang biyahe natin. Nakarating naman tayo nang maayos,” ayon kay CG LCDR Mark Adrias, Commanding Officer, BRP Francisco Dagohoy.
Pero maggagabi na ay wala ring natatanggap na anumang radio challenges ang BRP Dagohoy mula sa mga dayuhan na iginigiit din ang kanilang karapatan at hurisdiksiyon sa mga isla sa WPS.
“Kinabukasan 2:00 nitong Martes, nakatanggap na kami ng isang text message na nagsasabing “Welcome to Vietnam.”
“Isang oras ang makalipas nakatanggap ulit kami ng isang text na nagsasabing namang “Welcome to China.”
“At ilang sandali lamang namataan na namin ang isang dayuhang barko,” dagdag ni Adrias.
Kinumpirma ng PCG na isa itong Chinese fishing vessel.
At matapos ang halos 30 oras na paglalayag, sa wakas, tanaw na ang Pag-asa Island.
At hanggang sa pagdating sa isla wala pa ring radio challenges na natatanggap ang sinasakyang barko mula sa mga dayuhan.
“Naging smooth ang biyahe natin. Wala po tayong nakitang ibang military vessel o coast guard vessel ng ibang countries na bumbuntot sa atin na nagshashadow.”
“All through-out ng naging biyahe natin wala tayong radio challenges na nakuha from the other vessels na nasa paligid,” ani Adrias.
At mula sa BRP Dagohoy, tanaw ang ilang dayuhang barko – isang hindi makilalang puting barko at anim na fishing vessel.
Tinatayang nasa 2 nautical miles o higit 3.2 kilometers ang layo nito sa Pag-asa Islands.
Mga tulong pangkabuhayan ng BFAR para sa mga taga-isla Pag-asa, pahirapan ang paghatid sa isla
Hindi makadaong ang BRP Dagohoy sa Pag-asa Islands dahil sa lakas ng alon ayon sa PCG.
Kung pipilitin umanong dumaong, maaaring mabahura o sumadsad ang barko sa isla dahil mababaw lang ang tubig doon.
Ang tanging opsiyon upang maihatid ang mga tulong pangkabuhayan ng BFAR ay maisakay ang mga ito sa rubber boat habang hihilahin ang mga ipamimigay na bangka patungong isla.
Pahirapan man ang pag-transport ng mga kagamitang pangisda at post-harvest equipment dahil sa sea condition, ngunit hindi ito naging hadlang sa gobyerno para mabigyang suporta ang mga Pilipino kahit na nasa malalayong komunidad ng isla.