Bilang ng mga lugar na nakapagsumite ng lagda sa kontrobersiyal na PI, umabot na sa 900—COMELEC

Bilang ng mga lugar na nakapagsumite ng lagda sa kontrobersiyal na PI, umabot na sa 900—COMELEC

NASA 900 na lugar na sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod sa Pilipinas ang nakapagsumite ng kopya ng pirma para sa kontrobersiyal na People’s Initiative (PI).

Pero si Rosalie na isa sa mga pumirma, hindi aniya nito naintindihan kung ano ang nakalagay sa kaniyang pinirmahan.

At ang lagay, lahat sila sa pamilya nakapirma na.

“’Yung nagpapirma sa ‘kin hindi masyadong pinaliwanag tapos ang sabi may ipapalista daw sa COMELEC. Matatanggal daw ‘yung ganun…ganun…Pumirma na lang kaming lahat,” ayon kay Rosalie.

Mga lagda para sa kontrobersiyal na People’s Initiative, walang silbi hangga’t walang natatanggap na petisyon ang poll body—COMELEC

Sinabi naman ni Commission on Elections (COMELEC) chief Atty. George Garcia, wala pang silbi ang mga natanggap nilang signatures dahil wala pa namang pormal na petisyon para sa PI.

Sa kabila nito, giit ng COMELEC chief, dapat naintindihan ng mga signatory ang petisyon.

Ang mga signatory, maaari namang umapela na tanggalin ang kanilang pirma kung sa tingin nila ay nalabag ang kanilang karapatan.

Matatandaan namang inilutang ni Sen. Imee Marcos na nagkakaroon ng bayaran sa mga kongresista para sa PI.

COMELEC, iwas sa pagkomento sa isyu na kongresista ang pasimuno ng kontrobersiyal na People’s Initiative

Pero ang Kamara, itinanggi ang alegasyon bagay na binara naman ng presidential sister.

“Alam naman nating lahat. Hindi nagkulang ang media expose. Sangkatutak na ang video, ang litrato. Sangkatutak ang testigo. Tinext tayong lahat ng Office of the House Speaker. Nag-aalok ng 20-M. Ang liwa-liwanag. Ang nagfofollow up ay Office of the House Speaker na pass your paper by January 12. Anong walang kinalaman ang test paper,” ayon kay Sen. Imee Marcos.

Ang COMELEC, hihintayin muna ang pormal na petition para sa PI bago magkomento kung may issue sa proponent nito o nagtutulak nito.

May ilang nagsasabi na hindi dapat nakikialam sa PI ang mga mambabatas dahil isa itong paglabag.

Sabi ni Garcia, magbabase sila sa batas bago sabihin kung may na-violate ang petisyong natatanggap nila.

Voter registration para sa 2025 midterm poll, maaring masuspinde dahil sa kontrobersiyal na People’s Initiative— COMELEC

Sinabi naman ng COMELEC na posibleng masuspinde ang voter registration para sa 2025 elections kung aabutan ito ng verification para sa mga lagdang natanggap nila.

Ang resumption ng voter registration ay mangyayari sa Pebrero 12 na magtatagal hanggang Setyembre 30.

Ang verification process sa mga lagda ay magsisimula kung mayroon nang nakahaing petisyon sa COMELEC.

Election lawyer, pinagsabihan ang COMELEC na huwag nang tumanggap ng lagda para sa People’s Initiative

Samantala, tinabla ng COMELEC ang apela naman ng election lawyer na si Atty. Romy Macalintal na dapat nang ihinto ng komisyon ang pagtanggap ng pirma.

Argumento ni Macalintal, walang valid reason para tanggapin ng komisyon ang mga signature gayong wala namang pormal na petisyon.

“Without a formal petition having been filed, it is premature to submit these signature sheets to the Comelec and there is likewise no valid reason for the Comelec to receive them. In other words, the signatures cannot be filed ahead of the petition,” ayon kay Atty. Romeo Macalintal.

Pero ayon kay Garcia, bahagi ng kanilang guidelines pagdating sa PI ang pagtanggap ng mga lagda kahit wala pa ang petisyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble