ANIM na araw na lang bago ang balik-eskwela, umabot na sa kabuuang 21,272,820 ang bilang ng mga nagparehistrong mag-aaral para sa darating na School Year 2022-2023.
Base ito sa pinakahuling datos ng Department of Education (DepEd) hanggang kaninang alas-7 ng umaga.
Pinakamarami na ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa mahigit 3 milyon na sinusundan ng Region 3 na may mahigit 2.36 milyon at NCR na may mahigit 2.29 milyon.
Sa higit 21.2 milyon na nagpatala, mahigit 18.72 milyon dito ay sa mga pampublikong paaralan, mahigit 2.47 milyon sa mga pribadong paaralan at 71,939 ang sa state universities and colleges (SUCs) and local universities and colleges (LUCs).
Nagsimula ang enrollment noong Hulyo 25, 2022 at magpapatuloy hanggang sa pagbubukas ng klase sa Lunes, Agosto 22, 2022.