BUMABA na ang bilang ng mga pamilya na sumisilong sa evacuation centers sa Cagayan.
Matapos ang sunud-sunod na bagyo na humagupit sa ilang bahagi ng Pilipinas, sinabi ngayon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na wala silang nakikitang Low Pressure Area (LPA) sa loob at labas ng bansa ngayong linggo.
Unti-unti na ring bumabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente na inilikas bunsod ng masungit na panahon.
Sa panayam ng SMNI News kay Mia Carbonell Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 as of November 20, araw ng Miyerkules ay bumaba na ang bilang ng mga pamilyang pansamantalang sumilong sa evacuation centers.
“Bumaba na po ‘yong number of families na nasa loob po ng ating mga evacuation centers na nanatili pa ring bukas sa mga apektadong pamilya gawa nga po nito, bahagyang bumaba na po ang lebel ng tubig sa ating Cagayan River at kung saan karamihan na po sa mga pamilya na sa kanilang tirahan,” saad ni Mia Carbonell, Information Officer, OCD Region 2.
Sa kabila nito, pinapayuhan pa rin ng OCD Region 2 ang mga residente sa Cagayan na mag-ingat dahil hindi pa bumabalik sa normal ang lebel ng tubig sa ilog at lubog pa rin sa tubig-baha ang ilang komunidad.
“From Office of Civil Defense ibayong pag-iingat pa rin po sa mga nagsiuwi na sa kanilang tirahan para magkumpuni pansamantala sa mga nabaha o maglinis sa komunidad, ibayong pag-iingat pa rin po gawa nang mataas pa rin ang lebel ng tubig-baha,” ani Carbonell.
Sa ngayon ay patuloy pa rin na sinusuong ng rescuers ang mga lugar na binaha sa bayan ng Enrile, Cagayan para makapaghatid ng tulong sa mga residenteng apektado ng malawakang pagbaha sa probinsiya.
Kaugnay nito nakararanas pa rin ng pagbaha ang Zone 1 Brgy. San Antonio sa Lal-lo, Cagayan dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Ilog.
OCD Region 2, nakahanda na sa mas maraming pag-ulan na hatid ng Amihan
Samantala, nito lamang ay inanunsiyo rin ng PAGASA na opisyal nang nagsimula ang Northeast Monsoon o Amihan na maghahatid ng northeasterly winds at pagbaba ng temperatura sa buong Pilipinas.
Dahil dito mataas ang tsansang mabuo ang La Niña o mas maraming mga pag-ulan kaya patuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng OCD Region 2 sa panahon lalo pat’ hindi pa nakakabangon sa pananalasa ng bagyo ang kanilang lugar.
“Still continues po ‘yong monitoring natin ng weather situation through DOST-PAGASA and also ‘yong dissemination natin ng weather information ang advisories sa ating mga local DRRMOs.”
“And ‘yong sa evacuation centers nila ipinaghahanda na rin ng local DRRM Councils na panatilihin nilang ready ‘yong kanilang mga evacuation centers and continues provision po ng 24/7 emergency response ng kanilang oras lalong-lalo na po ‘yong mga local DRRM councils.”
“‘Yong ating mga stockpiling nire-ready po ulit at nire-replenish po natin and ongoing po ang ating response action po natin dahil sa mga nagdaang bagyo,” dagdag ni Carbonell.