NASA 55,000 na ang nagpa-enroll sa overseas internet voting, ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman Atty. George Garcia.
Ang online voting, na magtatagal hanggang Mayo 12, ay isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga Pilipinong nasa ibang bansa ay may kakayahang makilahok sa halalan.
Bago makapagsagawa ng kanilang boto, kinakailangan muna ng mga registered overseas voter na magpa-enroll sa online system, na bukas pa hanggang Mayo 7.
Mula sa bilang ng mga pre-enrolled na botante, marami na sa kanila ang nakapagboto na, tanda ng matagumpay na pagpapatupad ng sistemang ito.
Ayon kay Garcia, 24/7 bukas ang online voting.
Ang lahat ng kanilang posts sa abroad para sa online voting ay nagbukas na raw.
Alegasyon ng ilang OFW na may vote mismatch, sinagot ng COMELEC
Nagkaroon ng ilang mga katanungan at pangamba mula sa mga overseas voter na nakapagboto na, kaugnay ng kanilang karanasan sa online voting system.
Ilan sa kanila ang nagulat nang makita ang mga pangalan ng kandidato na hindi nila binoto na lumabas sa bahagi ng kanilang ballot content, kasabay ng mga unreadable codes.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, may pagkakataon ang mga botante na suriin ang kanilang ballot at tiyakin ang kanilang piniling kandidato bago ipadala ang kanilang boto. Subalit, isang mahalagang paalala: kapag naipadala na ang balota sa sistema ng COMELEC, hindi na ito maaaring baguhin o balikan, at ang pangalan ng kanilang ibinoto ay hindi na makikita.
Dagdag pa ni Garcia, kung susubukan ng botante na i-verify ang kanilang boto gamit ang QR code, hindi na ito mababasa o makikita ng mismong botante, upang maiwasan ang anumang issue na may kaugnayan sa privacy at seguridad ng boto.
At kung may pangalan man ng mga kandidato na makita sa system na hindi nila binoto, nilinaw ni Garcia na hindi ito ang aktwal nilang balota.
Ipinaliwanag din ni Garcia na hindi maaaring mag-print ng resibo ang overseas voter dahil maaari itong magamit sa vote buying.
Dapat aniya tandaan na, tulad ng sa tradisyunal na pagboto gamit ang makina, hindi dapat ipinapakita sa iba ang listahan ng kanilang mga binoto upang hindi ito magamit sa masamang paraan.
Ayon kay Garcia, masusuri sa pamamagitan ng random manual audit kung ang mga boto ng overseas voter ay tumutugma sa rekord sa sistema ng Comelec.
Isasagawa ito matapos ang mismong halalan.
Ayon kay Garcia, normal lamang na makaramdam ng pangamba ang ilang overseas voter sa bagong sistema ng pagboto.
Ngunit giit niya, ligtas at secure ang bawat boto ng mga Pilipino sa abroad.
Sa internet voting, mahalagang isaalang-alang na ito ay mas convenient para sa mga OFW.
Sa kabila ng mga hamon at katanungan, ang online voting system ay patuloy na nagpapakita ng potensiyal na magbigay ng mas madaling paraan ng pagboto para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Naninindigan ang COMELEC na sa darating na halalan—ang bawat boto ay ligtas, tumpak, at makatarungan, kaya’t mahalaga na ang mga overseas voter ay patuloy na maging maingat at mapanuri sa bawat hakbang ng proseso.