NAKAPAGTALA ng dalawang panibagong kaso ng amputation ang Department of Health (DOH) na may kinalaman sa paputok.
Ang panibagong dalawang biktima ay mga binatilyo na nagsindi ng plapla kaya’t naputulan ng mga daliri.
Ang plapla ay isa lamang sa mga ilegal na paputok batay sa listahan ng Philippine National Police (PNP).
Samantala, binawi naman ng DOH ang isang insidente ng naputulan kamakailan.
Kaya’t mula sa naunang lima ay apat ang tamang bilang ng naputulan ng daliri o kamay base sa datos noong araw ng Martes.
Sa kabuuan ay nasa anim na ang kaso ng amputation bago pa ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Ang dalawang panibagong kaso ng amputation ay kasama sa 23 bagong kaso ng fireworks related injuries na naitala ng DOH mula 6:00 am ng Disyembre 26 hanggang 5:59 am ng Disyembre 27.
Sa kabuuan, umakyat na sa 75 ang nasaktan dahil sa paputok na ang pinakamarami pa rin ay sa National Capital Region (NCR) na may 30 biktima.
Kasunod ang Central Luzon na may siyam na naputukan at Ilocos Region na may anim na biktima.
96% ng mga kaso ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan.
Sa 23 bagong kaso, marami sa mga biktima ay mga menor de edad kung saan 20 sa mga naputukan ay mga lalaki.
Anim sa bawat 10 kaso ay bunga rin sa paggamit ng ilegal na paputok ayon sa DOH.
Mga imported na paputok ,ilegal ayon sa DTI
Samantala, ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nakatutok sa mga bilihan ng paputok hanggang sa Bagong Taon.
Sa surprised inspection na ginawa nila noong nakaraang linggo sa Bocaue, Bulacan ay nabunyag na pinaghahalo ng ilang tindahan doon ang mga ilegal na paputok sa mga legal na paputok.
Sa 33 establisyamento, apat ang nabigyan ng notices.
Payo ng DTI sa mga mamimili, huwag basta-basta bibili ng paputok o pampailaw sa mga retail store.
Ayon sa ahensiya, ang mga legal na firecracker ay mabibili sa mga tindahan na may nakapaskil na PNP licensed at business permit.
Pagdating sa produkto, tingnan kung may PS mark. Ang PS mark ay may globe na logo at sa ilalim noon, makikita ang license number ng manufacturer.
I-counter check din kung ang manufacturer ay nasa listahan ng DTI na makikita sa kanilang website.
Ang mga imported na paputok ay awtomatikong ilegal ayon sa ahensiya.