Bilang ng walang trabaho sa buwan ng Setyembre, tumaas

Bilang ng walang trabaho sa buwan ng Setyembre, tumaas

TUMAAS ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Setyembre dahil walang available na mga trabaho, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi naman ng National Economic Development Authority (NEDA) na tinututukan ng gobyerno ang pagpapabuti ng investment climate at pagpapadami ng trabaho sa bansa.

Naghahanap ng permanenteng trabaho si Rico. Siya ay extra lang kasi sa konstruksiyon.

Kahit saang kompanya na pumunta si Rico para magsumite ng job requirements, pero hanggang ngayon wala pa rin siyang nakukuhang trabaho.

“Nag-aaply din kaso lang, tatawagan daw. Hindi naman tumatawag. Pasa ng mga requirements, hindi naman tinatawagan,” ayon kay Rico Rebellesa, walang mahanap na trabaho.

“Ilang beses na. Marami nang kompanyang pinapasukan, pinapasahan pero wala,” dagdag ni Rico.

Isa si Rico sa 2.26 milyong Pilipino na walang trabaho nitong Setyembre.

Ang nasabing bilang ay nadagdagan mula sa 2.21 milyon nitong Agosto.

Sabi ng PSA, tumaas ang unemployment rate sa 4.5% nitong Setyembre mula 4.4%.

Ang pagtaas ay dahil umano sa walang mahanap na trabaho ang ilan sa ating mga kababayan.

“’Yung reason ng pagtaas ng unemployment ay well they are looking for work but they are available, but there’s no work. Isa ‘yun. Bad weather contributed actually,” pahayag ni Usec. Dennis Mapa, National Statistician.

“And the third one they are waiting for rehire or job recall,” ani Mapa.

Kasabay rito ang pagbaba ng bilang ng may trabaho mula 47.67 milyong Pilipino nitong Setyembre mula 48.07 milyon.

Kabilang sa mga industriya na may pagbaba sa employment ay ang agrikultura, pangingisda at aquaculture, construction, manufacturing, at health and social work activities.

Gobyerno, nakatutok sa pagpapabuti ng investment climate at pagpapadami ng trabaho sa bansa—NEDA

Sinabi naman ng National Economic Development Authority, nakatutok ang gobyerno sa pagpapabuti ng investment climate sa bansa upang makaakit ng mga negosyante at dumami ang mga trabaho.

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, patuloy na magsusumikap ang gobyerno na pahusayin ang mga kasalukuyang polisiya sa pamumuhunan, partikular na sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.

“We will continue to pursue enhancements to existing policies to address concerns in investments, particularly in infrastructure development in areas outside the National Capital Region,” wika ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan.

Tutukan din ng gobyerno ani Balisacan ang pag-digitalize at pagsulong ng innovation sa mga negosyo na magbubukas ng mas maraming trabaho na may mataas na kalidad at mataas na suweldo.

Pagdami ng trabaho sa huling quarter ng 2023, inaasahan—PSA

Samantala, inaasahan naman ang pagdami ng trabaho sa huling quarter ng 2023 partikular na sa retail trade.

Dahil daw iyan sa mahabang adjusted operation hours ng ilang malls at tindahan ngayong holiday season.

May inaasahan ding pagtaas ng trabaho sa hotels at restaurants.

“Ganoon naman talaga pag last quarter, nagtataas ng usually number of workers lalo na ‘yung short term, seasonal, and contractuals,” dagdag pa ni Mapa.

“’Yung increasing hours, may mga additional workers sila na usually na hina-hire,” ani Mapa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble