Malacañang, naglabas ng EO na naglilipat ng Development Academy of the PH sa NEDA

Malacañang, naglabas ng EO na naglilipat ng Development Academy of the PH sa NEDA

NAGLABAS ang Malacañang ng Executive Order (EO) No. 45 na naglilipat ng Development Academy of the Philippines (DAP) mula sa Office of the President patungo sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang kautusan ay bahagi ng rightsizing policy ng administrasyon.

Ang EO ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Oktubre 25, 2023.

Nakasaad sa naturang kautusan na kinakailangan ang malakas na organization link sa pagitan ng NEDA at DAP upang palakasin ang development at implementasyon ng human resource development programs, pananaliksik, pagkolekta ng data, at information services.

Nilalayon din nitong matiyak ang consistency ng research, education at training na naaayon sa socioeconomic agenda ng national government.

Alinsunod sa rightsizing policy ng gobyerno, kinakailangang i-streamline at i-rationalize ang mga functional relationship ng mga ahensiya.

Ang DAP, na nilikha ng Presidential Decree No. 205, ay kasalukuyang naka-attach sa Office of the President.

Itinatag ang Development Academy of the Philippines upang itaguyod at suportahan ang mga pagsisikap sa pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng human resource programs.

Ang NEDA ay ang pangunahing ahensiya na responsable para bumalangkas ng “continuing, coordinated, and fully integrated social and economies policies, plans, and programs.”

May tungkulin din ang NEDA na palakasin ang analytical, operational at evaluation capacity ng civil servants, at itaas ang productivity performance ng mga ahensiyang tinukoy sa Philippine Development Plan 2023-2028 para mapabuti ang bureaucratic efficiency.

Follow SMNI NEWS on Twitter