Bill sa kuryente sa Enero, bahagyang tataas—Meralco

Bill sa kuryente sa Enero, bahagyang tataas—Meralco

MAY pagtaas sa singil sa kuryente sa Enero, ayon sa Meralco.

Bahagyang tataas ang kanilang singil sa P0.08 kada kwh.

Katumbas iyan ng P17 para sa mga kumokonsumo ng 200kwh hanggang P42 para sa mga kumokonsumo ng 500kwh.

Ang dagdag-singil ay bunsod sa pagsipa ng presyo ng kuryente sa spot market.

“It’s a slight upward adjustment. Hindi na talaga ito napigilan sapagkat ‘yung kondisyon sa spot market at ‘yung pagtaas sa presyo ng independent power producers dahil nga sa gumamit ng mas mataas na halaga ng fuel,” ayon kay Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.

Mga kwalipikadong customer ng Meralco, hinimok na magrehistro sa lifeline rate program

Kaugnay rito ay hinimok ng Meralco ang mga kwalipikadong customer nito lalo na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magrehistro sa lifeline rate program ng gobyerno.

Ito ay para makakuha ng diskuwento sa bayarin sa kuryente.

“Mag-apply po tayo kasi kahit papaano po magiging tulong ito sa inyo lalo na kung talagang parte kayo nitong program,” dagdag ni Zaldarriaga.

Sa ngayon nasa higit 29,500 pa ang mga naaprubahan na aplikasyon.

Pero tuluy-tuloy pa rin ang pagtanggap ng Meralco ng mga aplikasyon ng mga nais maka-avail ng discount.

Bukod sa puwedeng magparehistro sa business centers ng Meralco ay mayroon ding onsite registration sa mga barangay.

“Kami na po ‘yung lumalapit sa mga barangay para po maghikayat at mailapit sa kanilang tinitirhan. But I would like to emphasize na as long as the requirements, it will take too much of your time. Kasi may special lane po ito doon sa mga business centers. So, let’s find time,” ani Zaldarriaga.

Para sa nais mag-apply sa lifeline rate program, magdala lamang ng isang government ID, pinakahuling Meralco bill, at 4Ps ID.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble