NAPASUGOD si Senadora Nancy Binay sa pagdinig ng Senado kaugnay sa lumulobong budget ng itinatayong New Senate Building.
Pumalag si Binay matapos mamonitor mula sa kanyang opisina na pinag sorry ni Senador Alan Peter Cayetano sa mismong pagdinig ang isang mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways.
Ito ay matapos inamin ni Usec. Emil Sadain na nagkamali siya sa inisyal na halaga ng nasabing proyekto na binaggit nya sa isang interview sa media.
Una nang sinabi ni Sadain na walang katotohanan ang report ni Sen. Cayetano kay Senate President Chiz Escudero na lumobo sa 23 bilyung piso ang budget ng gusali.
‘’Kasi hindi biro-biro to. Diba yung nasa national news ka na parang yun senate president at chairman ng accounts ay nag-iimbento kami ng numero tapos sabihin ng former chairman nung accounts saan galing yung numero? biglang sasabihin ng DPWH “sir ‘di aabot” kasi 5.7 lang. Hindii po sir mismong galing po ito sa inyong opisina. Can you clarify on that?’’ ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano Chairperson, Commitee on Accounts.
Dahil dito ay inaakusahan ni Binay, na siyang dating chairperson ng komite, si Cayetano na siya mismong nagpapalobo sa halaga kung ang sinasabi ng DPWH official ay dapat nasa 21 bilyung piso lamang.
Depensa naman ni Cayetano na ang nasabing bilang ay galing mismo sa mga dating staff ni Binay sa komite na kanyang sinalo.
‘’Eto documentation nila o… 21.7 plus 3. Hindi DPWH ang sinubmit ko sa media at hindi yun ang sinabi ni Senador Escudero. Ang sinabi ni Sen. Escudero galing ito sa SCT na mga staff mo. So whats the issue?’’ ani Sen. Cayetano.
Mas lalo pang uminit ang kanilang bangayan matapos inakusahan ni Cayetano si Binay na inuupuan lamang ang 600 million peso landscape plan para sa bagong gusali na naisumite na sa kanyang opisina simula sa buwan ng Marso taong 2023.
‘’Paano ka matatapos kung yung pastry mo isang taon nang nasa sayo tas sinasabi mo ngayon hindi yan yung numbers kasi hindi mo pa na re-review? March 2023 its already July 3, 2024 senator. 15 months nasa mesa mo then you have the gall to tell all of us na yung delay ay nasa amin?’’ saad ni Cayetano.
Lumutang sa pagdinig na ang konstruksyon ng New Senate Building ay delayed o naantala ng walong daan at limamput dalawang araw, kung saan nagkaroon pa ito ng additional charges na aabot sa 78 bilyung piso dahil sa pagpapaliban.
Kabilang din sa kinuwestiyon ay ang makailang beses na revision sa plano ng proyekto at ang pagkakaroon ng higit sa pitumpung ka tao bilang consultant.