SA isang press conference, sinabi ni Sen. Sonny Angara na ‘di nakatutulong sa bansa ang alitan ng mga Duterte at Marcos.
Ayon sa senador, marami pang kinakaharap na problema ang bansa na puwedeng pag-tuunan ng pansin.
Dapat isantabi muna aniya ang politika.
“Palagay ko, mas mahalaga sa ating mga kababayan ang issues sa inflation, issues sa national security. We should learn from the past where politics should not always be at the forefront. Dapat, isantabi muna ang politika. Unahin natin ‘yung importante.”
“I don’t want to get into the merits or the actions of both camps, ‘di ba? Tama na muna (let’s stop this), ceasefire muna. Let’s focus on Philippine interests rather than just more parochial interests,” ayon kay Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara.
Ang panawagan ni Angara ay suportado naman ni Sen. Nancy Binay.
Ayon sa senadora maganda siguro kung makikita na mas madalas na magkasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
“Oo naman. Syempre, I support ‘yung panawagan ni Sen. Sonny Angara na — maganda rin siguro na mas madalas pang nakikita na magkasama si Presidente [Marcos] at Vice President Sara [Duterte], ‘di ba? Para maipakita talaga sa mga supporters nila na tigilan niyo muna ang bangayan,” saad ni Sen. Maria Lourdes ‘Nancy’ Binay.
Sinabi rin ni Binay na tila wala namang problema sa pagitan ng dalawang mataas na opisyal ng gobyerno.
Ang hidwaan aniya ay nangyayari lamang sa pagitan ng kani-kanilang mga taga-suporta.