INANUNSIYO na ng YG Entertainment ang pagbabalik ng kanilang mga pangunahing K-pop groups na BLACKPINK, BABYMONSTER, at TREASURE ngayong taon!
Matapos ang mahigit dalawang taon, muling magbabalik ang BLACKPINK sa entablado. Inilabas ng YG Entertainment ang teaser para sa kanilang 2025 world tour na pinamagatang “Deadline World Tour,” na magsisimula sa Hulyo 5 sa Goyang Stadium, South Korea, at magtatapos sa Enero 25, 2026, sa Kai Tak Stadium, Hong Kong.
Kahit abala ang mga miyembro sa kani-kanilang solo careers—si Jennie sa kaniyang album bilang “Jennie Ruby-Jane,” si Lisa sa kaniyang debut album na “Alter Ego,” si Rosé sa kaniyang mga proyekto sa The Black Label, at si Jisoo sa kaniyang pag-arte, nagpapatuloy pa rin ang kanilang grupo sa ilalim ng YG para sa kanilang group projects.
Ang rookie girl group naman na BABYMONSTER ay maglalabas ng kanilang pre-release single na “Hot Sauce” sa Hulyo 1, na inspired mula sa late 80’s music. Susundan ito ng isa pang pre-release single sa Setyembre, bago ang opisyal na mini album na ilalabas nila ngayong Oktubre.
Hindi rin naman magpapahuli ang boy group na TREASURE na nakatakdang maglabas ng kanilang EP sa Setyembre 1, kasunod ng kanilang special EP na “Pleasure” na inilabas noong Marso.
Magsisimula na rin ulit sila ng world tour sa Oktubre, at inaasahang maglalabas ng dalawang mini albums o full album kada taon.
Bukod dyan, kasabay rin sa plano ng YG Entertainment ang paglulunsad ng mga bagong K-pop Group kabilang na ang isang boy group at isang 4-member girl group ngayong taon kung saan ang unang miyembro ng bagong girl group ay nakatakdang ipakilala sa Mayo 28.