ITINAAS na ng Office of Civil Defense (OCD) – National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang “Blue” alert status sa Negros Occidental kasabay na rin ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa OCD, mula pa kagabi ay mahigpit na ang kanilang ugnayan partikular na sa kanilang regional counterparts sa Western at Central Visayas hinggil sa pinakahuling sitwasyon at response operations.
Bagaman itinuturing na “manageable” ang sitwason sa lebel ng Local Disaster Risk Reduction and Management Offices sa nasabing mga rehiyon, naka-full alert naman ang national level para magbigay ng kaukulang pag-aalay at tulong.
Kasunod nito, hinikayat naman ng OCD-NDRRMC ang mga apektadong residente na maging mapagmatyag at sundin ang mga babala gayundin ang tagubilin ng mga awtoridad para sa kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, tuluy-tuloy naman anila ang pagpasok ng mga impormasyon hinggil sa aktibidad ng bulkan at agad naman nila itong ipinakalat sa mga apektadong lugar para sa gagawing paglilikas.