HIHILINGIN ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) na maglabas ng ‘Blue Notice’ laban sa mga suspek sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa 8 pang indibidwal.
Sa ilalim ng Blue Notice, magkakaroon ng pangangalap ng karagdagang impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng isang indibidwal, lokasyon at mga aktibidad na may kaugnayan sa isang criminal investigation.
Sa pahayag ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano, sa pamamagitan ng naturang notice ay mamo-monitor ng gobyerno ang bawat kilos o aktibidad ng mga respondent sa kaso.
Sa ngayon, bukod sa 4 na gunmen na naaresto sa araw ng assassination ay may 10 indibidwal ang iniimbestigahan ngayon ng gobyerno.
Kabilang na sa itinuturong mastermind sa krimen si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves na hindi pa nakakauwi mula sa Estados Unidos sa kabila ng pagkaka-expire ng travel authority nito noong Marso 9.
Nilinaw ng DOJ na hindi pa napatutunayang guilty si Teves sa kaso, kaya maituturing pa itong inosente sa kriminalidad.