INILABAS na ng German luxury automaker na BMW ang isang prototype ng kotseng nakakapagsalita gaya ng isang tao at may kakayahang magpalit ng kulay na bumabagay sa mood ng driver.
Ang model ay tinatawag ng carmaker na BMW I Vision Dee at sa taong 2025 ang target production nito.
Layunin ng BMW na sa pamamagitan ng teknolohiya, maituturing nang “ultimate companion” o ika nga, travel buddy ang mga sasakyan kung kaya’t idinisenyo nila itong nakakapagsalita.
Mayroon 240 color cells din ito na maaaring sa isang minuto ay light green shade ang kulay ng sasakyan at agad-agad itong nagiging dark purple o kaya’y red na may white racing stripes.
Maliban sa mga nabanggit na features, ang BMW I Vision Dee ay may dashboard na walang screen.
Mayroon lang itong digital slider na nagkokontrol sa mga larawan na maaaring makikita sa windshield ng sasakyan.
Maaari din itong makapag-project ng digital at virtual world imbis na ang totoong imahe ng dinadaanang lugar.