Border inspection facility kontra smuggling, pagkalat ng sakit sa hayop, itatayo sa Bulacan

Border inspection facility kontra smuggling, pagkalat ng sakit sa hayop, itatayo sa Bulacan

SISIMULAN nang itayo ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang pribadong sektor ang kauna-unahang border inspection facility sa Angat, Bulacan.

Tugon ito laban sa talamak na agricultural smuggling at pagkalat ng sakit sa hayop tulad ng African swine fever (ASF) at bird flu sa bansa.

Bilyun-bilyong pisong halaga na ng mga smuggled agricultural products ang nasabat ng DA Inspectorate and Enforcement Team simula noong Oktubre 2022 hanggang ngayong Hulyo 2023.

At nagpapatuloy pa ang operasyon ng ahensiya kung saan, karton-karton na mga bulok at may masangsang na amoy na smuggled frozen meats ang nasabat kamakailan sa ilang warehouses sa bahagi ng Bulacan.

Ang hamon na ito sa DA ay maaari nang matugunan.

Ito’y sa tulong na rin ng nakatakdang itayong pasilidad ng DA sa Bulacan.

Isang memorandum of understanding (MOA) at groundbreaking ceremony ang pinangunahan ng DA at pribadong sektor para sa itatayong Cold Commodity Examination Facilities for Agriculture (CEFA) sa Angat, Bulacan.

Sisimulan ang pagtatayo sa P2.3-B project sa lalong madaling panahon.

Magtatayo rin ng laboratoryo sa loob ng CEFA na magsusuri kung may virus na dala ang mga inaangkat na produkto tulad ng karne, isda, lamang-dagat, at sibuyas.

Pinuri naman ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang hakbang ng Pangulo at tinawag na game-changer.

Dahil maisasakatuparan na ang matagal nang hiling ng mga grupo na border inspection facility lalo na’t malaking halaga na ang nawawala sa gobyerno dahil sa smuggling.

Gayunpaman, makatutulong ang proyektong ito lalo na inaasahan na makapaglilikha ito ng 2,000 trabaho.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter