GINANAP nitong Hunyo 27 ang International Youth Summit na pinangunahan ng Southeast Asia Ministers of Education Organization (SEAMEO) INNOTECH.
Layunin ng International Youth Summit na bigyang boses ang mga kabataan para sa pagpabubuti ng edukasyon at mabuo ang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba sa kultura at rasa.
Ito’y tatagal ng dalawang araw kung saan ito rin ang kauna-unahang summit na inorganisa ng mga kabataan at suportado ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Ayon sa summit, ang edukasyon ay nakararanas ngayon ng learning crisis kung saan nababawasan ang learning productivity levels ng mga kabataan dahil sa iba’t ibang sirkumstansiya ng mga paaralan, indibidwal, at sosyedad.
Dahil dito, ang porsiyento ng pagkatuto ng mga kabataan sa paaralan ay bumababa.
Pahayag ni Dr. Leonor Briones, Center Director, SEAMEO INNOTECH, isa sa isinusulong ng summit ay mabuo ang pagkakaisa ng mga kabataan mula sa iba’t ibang bansa sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at sila ay magkaroon ng boses para sa pagpabubuti ng sektor ng edukasyon.
“Let’s pay attention to the youth, let’s just not leave them out there on the streets with their placard and manifestos and so on. Let them participate,” ayon kay Dr. Leonor Briones, Center Director, SEAMEO Innotech.
Ilang isyu sa Education sector, tututukan sa Youth Summit
Inaasahan din ni Briones na sa nasabing summit ay mapag-uusapan at matutugunan ang ilang mga isyu at hamong kinakaharap ng education sector.
Isa aniya sa aspeto na maaaring kailanganin ng transpormasyon ay ang mapagtuunan ng pansin ang mga future studies kung saan nabibigyan ng panahon at preparasyon ang mga maaaring pagbabago at posibleng problema sa sektor ng edukasyon sa hinaharap.
“It will involve taking a second look at the curriculum. When COVID visited us, overstaying visitor, uninvited visitor, we required at least 15,000 learning scales and we reduced it to 5,000 because the curriculum was crowded,” dagdag ni Briones.
Ilan din sa mga kailangang i-konsidera ang espasyo na nilalaan para sa mga silid-aralan dahil sa patuloy na pagtaas ng populasyon sa bansa.
“Now, we are rapidly losing space and this is where you need to combine technology, the arts and as I said, even the problem of space. How will the learning spaces look like a few years from now with our present population policy,” ani Briones.
Sa oras ng krisis, importante ang mabilis na pagdaloy ng impormasyon at instruksiyon.
Kaya ayon kay Briones, makatutulong ang ‘regionalisation’ o mabigyan ng sapat na awtoridad ang mga rehiyon na bigyang solusyon ang mga krisis na kanilang kinakaharap at ikonsidera ang usapin sa health issues, gender issues at climate change.
“We have to filter down the process of decision-making, kasi, if there is an issue, you don’t have to wait for a memorandum or a memo or a letter to tell you what to do if there is a crisis,” aniya.
Inaasahan ng SEAMEO INNOTECH na magkakaroon ng magandang resulta ang Youth Summit na tutugon sa hamon at isyu na kinakaharap ng edukasyon sa South East Asia.