Boto ng UniTeam, madagdagan ng 5%-8% kung ieendorso ni PRRD si BBM – Publicus Asia

Boto ng UniTeam, madagdagan ng 5%-8% kung ieendorso ni PRRD si BBM – Publicus Asia

HINIKAYAT ng Publicus Asia ang publiko na maniwala sa lehitimong survey firm kaysa sa mga social media surveys.

Ito ang inihayag ni Aureli Sinsuat, Executive Director ng Publicus Asia sa panayam ng SMNI News.

Aniya, hindi dapat kaagad-agad maniwala sa mga social media survey dahil kalimitan sa mga ito ay fake news lang.

Sa ngayon, sinabi ni Sinsuat na ang mga frontrunner na sina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at vice presidential candidate Mayor Sara Duterte pa rin ang nangunguna sa mga survey.

Wala rin aniyang nakikitang malaking pagbabago sa resulta ng survey na kinuha noong Disyembre, Enero, Pebrero at Marso kung saan mas marami pa rin ang pumipili sa BBM-Sara.

Sinabi rin nito na maaari pang madagdagan ng 5% hanggang 8% ang boto ng UniTeam kung itataas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kamay ni BBM lalo na at mataas ang trust rating ni Pangulong Duterte.

Nilinaw din nito na kung maraming pumupunta sa rally ng isang kandidato ay ‘di nangangahulugan na marami na ang boboto sa kanila dahil marami sa mga ito ay hindi botante.

 

Iba’t ibang partido, nagkakaisa sa pagsuporta sa UniTeam Atty. Matibag

Nagkakaisa na ngayon ang iba’t-ibang partido para suportahan ang UniTeam.

Inihayag ni Cab. Sec. at Secretary-General ng PDP-Laban na si Atty. Melvin Matibag sa panayam ng SMNI News na naniniwala ang mga partido na sila ang magpapatuloy ng pagbabagong nasimulan ni Pangulong Duterte.

Sinabi rin ni Matibag na ikinatutuwa ng PDP-Laban sapagkat na-realize din ng ibang mga partido na ang UniTeam ang makapag-papatuloy sa nasimulan ng Duterte administration.

Tiniyak din ni Matibag na magkakaroon ng ground support ang Uniteam dahil sa pag-endorso ng kanilang partido.

Aniya, aabot sa mahigit pitong libo ang kandidato ng PDP-Laban sa buong bansa at 80% dito ang mga incumbent official na nagpahayag na rin ng suporta sa UniTeam.

Nilinaw din ni Matibag na wala pang personal na ini-endorso si Pangulong Duterte ngunit siya pa rin ang kasalukuyang chairman ng PDP-Laban na nag-endorso kay BBM at Sara.

Follow SMNI News on Twitter