IBINIDA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang ‘Build, Better, More’ program sa Philippine Business Opportunities Forum sa Tokyo, Japan na naglalayon namang himukin ang maraming negosyante na mag-invest sa Pilipinas.
Ang programang ito ay target na maabot ang infrastructure spending sa 5 hanggang 6 percent ng GDP bawat taon na nakalinya naman sa medium term fiscal framework ng administrasyong Marcos.
Dumalo sa ikalawang panel ng nasabing forum sina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, at Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Binigyang-diin naman ni Sec. Bautista na mayroong ‘multi-sectoral approach’ ang infrastructure development ng bansa lalo na sa sektor ng turismo.
Dagdag pa ni Sec. Bautista, 2 airport development plan ang pinaplano para sa Greater Manila kung saan plano ring gawing modernisado ang Manila International Airport.
Kasama ng airport system development ay magkakaroon din ng upgrade ang railway system ng bansa upang mapababa ang oras ng byahe ng mga pasahero at mas palawakin ang ugnayan sa iba’t ibang bahagi ng syudad.
Magkakaroon din ng mga high-class na highway at expressway sa iba’t ibang rehiyon ng bansa kung saan higit 400 bilyong piso ang ilalaan na budget para sa road network ngayong taon.
Magkakaroon din ng flood control programs ang bansa na nagkakahalaga naman ng higit 200 bilyong piso.
Matatandaan na noong Pebrero 10 ay pumirma si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at gabinete nito ng 35 letter of intent kasama ang Japan na nagbibigay ng oportunidad na magkaroon ng kooperasyon ang Pilipinas at Japan sa sektor ng manufacturing, imprastraktura, transportasyon, healthcare, renewable energy at iba pa.