ISA na namang lugar ang inilagay sa Commission on Elections (COMELEC) control dahil sa mga tumataas na kaso ng election-related violence sa lugar.
Sa pamamagitan ng memorandum na pirmado ng COMELEC en banc, epektibo na ang COMELEC control sa Buluan, Maguindanao del Sur.
“Base sa report ng PNP, AFP kasama na rin po ang COMELEC regional ay talagang tumataas ang karahasan …na makukunsidera natin na election-related violence,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
3 PNP officials sa Maguindanao, pinare-relieve sa puwesto ng COMELEC
Hiniling naman ng Gun Ban and Concerns Committee ng COMELEC sa PNP na ma-relieve sa puwesto ang tatlong mataas na opisyal nito sa Maguindanao.
Ang rekomendasyong ito ay in-adopt ng COMELEC en banc.
Ang PNP ay deputized ng komisyon para sa halalan.
“Base sa assessment ng committee, ay mukhang kakailanganin na magkaroon ng palitan… maaari kasing hindi nakukuha ng komite ganung klase full cooperation o hindi nakukuha ng komite mismo ang expected output sa kilos,” ayon pa kay Garcia.
Ang Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na naunang inilagay sa COMELEC control, payapa na aniya ngayon.
Pero paglilinaw ni Garcia, mananatili pa rin sa kanilang kontrol ang probinsya.
Ayon sa COMELEC, mayroon pang mga lugar na pinag-aaralang mailagay sa COMELEC control sa mga susunod na araw.
Mayoral candidate sa Pasay City, pinagpapaliwanag dahil sa kaniyang racist remark sa kampanya
Samantala, tuloy-tuloy naman ang komisyon sa pagpapadala ng show cause order.
Pinakabagong pinadalhan ng show cause ng Task Force SAFE ay ang konsehal sa Pasay City na ngayon ay tumatakbo sa pagka-alkalde sa lungsod, dahil umano sa kaniyang racist remark o nasabi sa mga “Bumbay.”
Mayroon itong tatlong araw para magbigay ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat masampahan ng DQ o disqualification at election offense.
Ayon sa poll body, ang kaniyang mga nasabi sa kampanya ay posibleng paglabag sa Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines.
Vendors Party-list, pinadidiskwalipika sa COMELEC
Samantala, mayroon namang pumunta sa COMELEC para sampahan ng DQ case ang tatlong nominee ng Vendors partylist, dahil ang mga kinatawan nito ay hindi umano galing sa marginalized group o ‘yung nasa laylayan.
May isinampa ring DQ laban kay Zamboanga congressional candidate Kaiser Olaso sa gitna ng kaniyang kampanya, dahil hindi umano ito natural-born citizen at isa umanong Cambodian.